top of page
Search
  • Ryan B. Sison

Instant yaya sa socmed, sakit ng ulo ang kapalit


Boses ni Ryan B. Sison

Sa panahon ngayon, napakadali nang maghanap ng mga taong puwedeng tumulong sa atin dahil sa social media.

Madalas, ito ang takbuhan ng mga kababayan nating naghahanap ng nawawalang kaanak, nangangailangan ng kasambahay at naghahanap ng mahahalagang impormasyon.

Ngunit, tulad ng palagi nating sinasabi, hindi sa lahat ng pagkakataon ay ito ang solusyon dahil kung nakatutulong ito sa iba, perhuwisyo at sakit sa ulo naman ang nakukuha ng ilan.

Kamakailan, tinangay umano ng yaya ang isang sanggol na babae sa Bgy. Bambang, Taguig City. Nakuhanan ng CCTV camera ang yaya na dala ang 5-buwang gulang na sanggol palabas ng bahay.

Gayunman, kuwento ng ina na si Princess Jean Perrin, natutulog sila ng kanyang kinakasama na kapwa panggabi sa trabaho nang mangyari ang insidente at nagising sila na wala na ang bata at yaya.

Dagdag pa ng ina, wala pang isang linggong nanunuluyan sa kanila ang yaya na nagpakilalang si Kristine Joy Salik.

Ikinuwento rin nito na kinontak sila ng suspek matapos mag-post sa social media na naghahanap siya ng bagong mag-aalaga sa bata.

Ayon sa mga awtoridad, posibleng peke ang ginamit na pangalan ng yaya dahil nang puntahan ng mga ito ang address na nakalagay sa TIN ID at barangay clearance, wala umanong nakakikilala sa suspek.

Sana ay magsilbing leksiyon ito sa lahat na huwag basta magtiwala sa mga nakikilala sa social media, lalo na kung ito ang mangangalaga sa inyong anak.

Kahit gaano pa kabait sa unang tingin, huwag agad maniwala. Gayundin, maging mapagmatyag at makilatis at huwag mahiyang humingi ng mga dokumento para sa kanilang pagkakakilanlan.

At kung maaari, sa lehitimong agency maghanap ng kasambahay at huwag sa social media dahil sa panahon ngayon, napakadaling manloko na gamit ito.

Para sa mga masasamang-loob na gumagawa nito, makonsensiya naman kayo!

Nagtitiis ang mga magulang na malayo sa anak para magtrabaho at makapagbayad sa inyo, pero ito ang ginagawa ninyo. Tsk!

Sa totoo lang, maproseso at mabusisi ang paghahanap ng mapagkakatiwalaang yaya kaya hindi natin masisisi ang iba na pumipili sa mas madaling paraan. ‘Yung tipong konting scroll at stalk sa socmed account, oks na.

Gayunman, panawagan sa mga magulang, huwag kayong manghinayang sa oras at pagod na igugugol ninyo sa paghahanap ng magiging yaya ng inyong anak dahil kung tutuusin, ang oras at pagod na inilaan ninyo ay pasasalamatan ninyo kapag nakahanap kayo ng totoo at may mabuting puso na mag-aalaga sa inyong anak.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page