top of page
Search
  • Mylene Alfonso

4 kotong cops, kulong


Timbog ang apat na miyembro ng Baseco Police Community Precint (PCP) matapos ireklamo ng pangongotong ng suspek na naaresto dahil sa ilegal na droga, kamakalawa ng gabi sa Tondo, Manila.

Inaresto ng mga tauhan ng Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) ang mga suspek na sina P/Cpls. Nickson Mina, Juan Carlo Guzman, Francis Mikko Gagarin at Patrolman Tom Hikilan, pawang beat patrollers ng MPD-Ermita Police Station 5.

Ayon kina National Capital Region Police Office (NCRPO) acting Chief P/BGen. Debold Sinas at MPD Director P/BGen Bernabe Balba, alas-6:30 ng gabi nang maaresto ang mga suspek habang aktong tinatanggap ang P200,000 marked money mula sa complainant na si Alaysa Panansang sa ikinasang entrapment operation ng mga tauhan ng Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG), ang anti-scalawag unit ng Philippine National Police (PNP).

Una rito, dinakip ng mga awtoridad ang asawa ni Panansang na si Kelvie Panansang, sa kasong paglabag sa anti-illegal drugs law noong Nobyembre 12.

Nabatid na kinausap umano ng mga suspek ang ginang at hiningian ng P500,000 para mapalaya ang kanyang mister kasabay ng pagtiyak na hindi ito sasampahan ng kaso sa piskalya. Nakipagtawaran ang ginang hanggang sa bumaba sa P200,000.

Hindi alam ng mga pulis na nagtungo ang ginang sa Camp Crame at humingi ng tulong sa IMEG, na agad namang nagkasa ng entrapment operation.

Agad pinosasan ng mga kabaro nila ang mga suspek sa loob mismo ng Baseco PCP habang aktong tinatanggap ang marked money mula sa ginang.

Dinisarmahan din ang mga suspek at dinala sa PNP-IMEG at sasampahan umano ng kasong extortion at grave misconduct na may katapat na parusang pagkasibak sa serbisyo.

Matatandaang, ilang araw pa lamang ang nakalilipas nang magbanta si Manila Mayor Franciso ‘Isko Moreno’ Domagoso laban sa mga tiwaling miyembro ng MPD na mayroon silang kalalagyan sa sandaling maaresto sila sa pangongotong.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page