top of page
Search
  • Kuya Win Gatchalian

Mga karapatan at tungkulin ng mag-aaral


Maaaring lingid sa kaalaman ng marami na mayroong karapatan ang mga estudyante sa paaralan.

Pamilyar ba kayo sa Batas Pambansa Blg. 232 o Education Act of 1982? Nakasaad dito ang siyam na karapatan ng bawat mag-aaral sa edukasyon.

Naniniwala ang mga kinauukulan ng paaralan na sa bawat karapatang ito ay may kaukulang pananagutan. Ngunit, kung minsan, hindi alam ng mga estudyante o hindi sila pamilyar sa mga patakaran ng pinapasukang eskuwelahan kaya nagkakaroon ng mga paglabag o problema sa mga ibinibigay na polisiya sa kanila. Kabilang dito ang karapatang tumanggap ng akma at mahusay na pagtuturo. Ito ay naaayon sa pambansang layunin ng kaaya-aya at de-kalidad na uri ng edukasyon upang mabigyan ng dignidad ang mga kabataan.

Pangalawa, sila ay malayang pumili ng kursong kukunin sa kolehiyo. Pangatlo, ang kanilang karapatan na mapayuhan at matulungan ng guidance counselor kung kinakailangan. Pang-apat, ang karapatan na makita ang school record, habang pinananatili ng paaralan ang pagiging “confidential” ng mga dokumentong ito.

Bukod dito, karapatan din nila ang mabigyan ng mga official certificate, diploma, transcript of records, grades, transfer credentials at iba pang katulad na mga dokumento sa loob ng 30 araw mula noong ito ay hiningi.

Siyempre, hindi rin mawawala ang kanilang karapatan na magpahayag ng saloobin at opinyon sa pamamagitan ng opisyal na pahayagan ng kanilang paaralan. Ngunit dapat ito ay may gabay ng guro o moderator bago ito ilathala. Bukod dito, maaari rin silang mag-imbita ng mga resource person sa mga pagpupulong at iba pang aktibidad.

Basta walang lumalabag sa anumang batas, karapatan din ng mga mag-aaral na magtaguyod o lumahok sa mga organisasyon na kinikilala ng paaralan na naglalayong pagbutihin at pagtibayin ang kanilang pag-unlad sa aspetong pang-intelektwal, kultural, ispiritwal at pisikal.

At panghuli, ang kanilang karapatan na maging malaya mula sa anumang kontribusyon na hindi nila sinasang-ayunan, maliban na lamang kung aprubado ito ng organisasyong kanilang kinabibilangan.

Kaakibat ng mga karapatang ito ay ang pananagutan at obligasyon na tugunan ang anumang nararapat o naaangkop na kilos. Kaya naman tungkulin ng mag-aaral na alamin at aksiyunan ang mga responsibilidad bilang natututong indibidwal upang maging matagumpay sa edukasyon, pakikipagkapwa-tao at sa buhay.

Habang bata pa, mahalaga na kanyang naisasapuso hindi lamang ang mga aralin sa loob ng eskuwelahan kundi maging ang mga administratibong bagay. Dahil pagdating ng panahon na siya ay mamumuno na, madadala nito ang mga katangi-tanging pag-uugali na kanyang natutunan mula pagkabata. At ang maganda pa nito, maibabahagi niya ang pagiging modelo sa henerasyong susunod sa kanya.

Maaaring maumpisahan ito sa pamamagitan ng pagsunod sa mga alituntunin at paggalang sa mga guro at kinauukulan. Higit sa lahat, ang pag-aaral nang mabuti at pagkilos nang kagalang-galang ay may kaakibat na integridad bilang mag-aaral.

 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page