top of page
Search
  • BULGAR

Mga isnabero at abusadong taxi driver, sampulan nang madala

"Naku, matrapik du’n.”

“Dagdag kayo P200.”

“Huwag na natin i-metro.”

“Pagarahe na pala ako, sa iba na lang kayo sumakay.”

Ilan lang ang mga ito sa linya ng mga isnaberong taxi driver na maraming dahilan para makapagpadagdag lang ng singil. Lalo ngayong kapaskuhan na maraming komyuter ang mas gusto o kailangang mag-taxi.

Bagama’t, ‘yung iba ay pikit-mata na lang habang nagbu-book sa TNVS na mas mataas ang pamasahe, meron pa ring nagtitiyaga na mag-abang ng taxi para kahit paano ay makamura.

Ang problema, hanggang ngayon ay may mga abusado pa ring taxi driver. Isasakay ka pero dahil labag sa kanilang kalooban na hindi nakahirit ng dagdag-pasahe ay sangkatutak na parinig ang gagawin habang bumibiyahe.

“Patay na naman biyahe ko nito! Trapik pa lang, talung-talo na ako! Kaya ayokong naghahatid dito, eh!” “Looban na pala ito, yari ako pagbalik, walang makukuhang pasahero rito.”

Kung hindi man magsalita, dadaanin naman sa pagdadabog, busina at walang tigil na kabubuntong-hininga.

Palibhasa, alam nilang wala namang magagawa ang pasahero kundi ang kimkimin ang inis o i-post na lang sa social media. Mag-viral man hanggang du’n lang at mamamayagpag pa rin ang mga pasaway.

Panawagan natin sa mga mambabatas, kung may panukala nang inihain laban sa mga bastos at abusadong taxi driver, tutukan na sana ito. Kailangan nang magkaroon ng batas na magtatanggol sa mga pasahero.

Pero, hindi naman natin nilalahat ang mga taxi driver, sigurado tayong meron at marami pa ring mababait at marespeto — maayos ang pananamit, may I.D., hindi nakainom, gumagamit ng maayos na metro, hindi namimili ng pasahero, sumusundo at naghahatid kung saan mang destinasyon anuman ang kondisyon ng trapik. Sadyang nadadamay lang sila sa mga driver na walang malasakit sa mga pasahero.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page