top of page
Search
  • Bobi Tiglao

Style ni VP Leni kontra droga, ginaya lang sa Mexico

Habang todo-sipsip si VP Leni Robredo sa mga hindi niya kababayan para sa kampanya laban sa ilegal na droga, sinabi ng mga Kano na hindi puwede ang ‘mahinhing polisiya’ kapag droga ang kalaban.

Isa sa mga pinakatanyag na pahayagan sa Estados Unidos, ang Chicago Tribune, sinabi sa kanilang editoryal na palpak at walang saysay ang polisiya ng Mexico na tulad ng kay VP Leni na ayaw gumamit ng baril sa pakikipaglaban sa mga drug lord. “Hugs not bullets approach to drug cartels has failed,” ayon sa pahayagan.

Hindi ba, ang unang kautusan daw ni VP Leni sa kapulisan ay huwag babarilin ang mga drug lord na manlalaban. Paano kung may baril din ang mga adik, okay lang kung pulis o awtoridad ang mamatay?

Tila ganito ang pinalalabas ni VP Leni matapos ma-appoint ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang co-chairman ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD), ang unang ginawa ay makipag-meeting sa mga opisyal ng US Embassy, United Nations (UN), Simbahang-Katolika at iba pang NGO.

Kung bakit inuna pa ni VP Leni na kausapin ang mga banyaga, taong-Simbahan at kaliwa ay hindi natin alam, baka magdarasal silang sumuko ang mga drug lord, dealer at adik para solb agad ang laban sa droga.

Hawig ang ideya at programa ni VP Leni sa kasalukuyang kalakaran sa Mexico sa ilalim ng bago nitong pangulo at dating kaliwa, si Andrés Manuel López Obrador, na “abrazos no balazos” o “hugs not bullets”.

Ito ang basehan ng programa ni Obrador para raw malansag ang mga drug cartel sa Mexico.

Sa totoo lang, mas malala ang problema ng ilegal na droga sa Mexico kumpara sa Pilipinas. Sa Mexico, sunud-sunod ang patayan at madalas ibinibitin pa ang mga pinapatay sa mga tulay para matakot ang tao.

Sa tingin ni Obrador, kapag naayos niya ang problema ng kahirapan sa kanilang bansa, madali nang mawawala ang ilegal na droga. Tila naïve o walang muwang si Obrador, sabi ng Chicago Tribune. Masyadong ‘tatak-dilawan’ si Obrador tulad ni VP Leni.

Kung sa mayayamang bansa tulad ng Estados Unidos, lantaran ang ilegal na droga, paano pa sa mga mahihirap na bansa tulad ng Mexico at Pilipinas?

Hindi mareresolba ang problema sa droga sa pamamagitan ng “pakikipagkaibigan” sa mga drug cartel. Malaking business ang ilegal na droga, naging bilyonaryo ang mga drug lord na tulad nina Pablo Escobar ng Colombia at Joaquin “El Chapo” Guzman.

Hindi bibitawan ng mga drug lord ang pinagkakakitaan nila ng malaking pera. Sa ganitong negosyo, patayan na kung patayan kapag nagkahulihan.

Bakit naging interesado ang mga Kano sa nangyayari sa Mexico? Una, dahil magkalapit lang ang kalupaan ng U.S. at Mexico. Bagama’t, may border patrol, marami pa ring droga ang nakakapasok sa U.S..

Pangalawa, kamakailan lang ay may pinatay na 9 na miyembro ng Amerikanong pamilya sa Mexico.

Na-ambushed daw ng drug cartel ang kanilang sasakyan. Ang masaklap, idinamay ang mga bata at may sanggol pang kambal. Tsk!

Ayon sa ulat, ang namatay na pamilya ay Mormon, kilalang kumokontra sa mga kriminal na nasa Mexico, baka raw gumanti ang mga drug lord sa relihiyosong pamilya.

Matapos mailuklok sa puwesto si Obrador, ipinakita ng mga drug cartel kung sino ang boss.

Inokupa nila ang siyudad ng Culiacan at hindi sila umalis kung saan pumatay pa ng 14 pulis.

Kaugnay nito, napilitan ang gobyerno ng Mexico na palayain ang anak ni “El Chapo” na isa ring drug lord para matigil ang patayan.

Ganito rin kaya ang mangyayari sa Pilipinas ngayong si VP Leni na ang tinaguriang “drug czar”?

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page