top of page
Search
  • Korina Sanchez

Kulang sa disiplina kaya may tambak ng basura

Ipinagbawal na ni Mayor Isko Moreno ang mga vendors sa Ylaya St. sa Divisoria dahil sa tambak na basura na sumalubong sa kanya nang sorpresa siyang nag-inspeksiyon sa nasabing lugar.

Ayon kay Mayor Isko, binigyan na niya ng pagkakataong makapaghanapbuhay ang mga ito, pero nakadidismaya umanong binaboy naman ang lugar.

Kaya para maturuan ng leksiyon, muling ipinagbawal ni Mayor Isko ang mga vendors na magtinda sa ilang kalsada sa Maynila para mapanatili ang kaayusan at kalinisan sa kapital ng bansa.

Sa totoo lang, matagal na dapat ginawa ‘yan ng mga nakaraang alkalde, pero wala. Bakit kaya mahirap sa mga Pinoy ang maging disiplinado?

Sa kabilang banda, dumaraing ang mga vendors na pagbigyan sila ni Mayor Isko dahil hanapbuhay nila ‘yun at karamihan sa kanila, ito lamang ang pinagkukunan ng panggastos sa araw-araw.

Samantala, ayon pa sa kanila, sa gabi raw ay malinis ito, pero pagdating ng umaga ay bigla na lamang nagkalat ang mga basura sa paligid. Kung ganu’n, saan galing ang napakaraming basura na ‘yun? Bakit hindi nila alam kung saan galing o sino ang nagtapon?

Kung pinagbigyan na sila noon na magtinda sa lugar, responsibilidad nilang alagaan ito. Puwede naman siguro nilang bantayan kung sino ang mga dugyot na nagtatapon ng basura sa lugar (kung hindi sila ‘yun).

Sabihin man nating hindi maganda ang mainggit, pero hindi natin maiwasang hindi ikumpara ang kalinisan ng mga lugar sa ibang bansa na ating napuntahan sa ating bansa.

Paano nila napananatili ang kaayusan at kalinisan sa kanilang lugar? Marahil, dahil palagi nilang ipinaiiral ang kanilang disiplina — disiplina na tila hindi karaniwan sa ilang Pinoy. Tsk!

◘◘◘

Hindi pa mapakinabangan ang “Pengyou”, bangkang-pangisda na ibinigay ng negosyanteng Chinese sa mga tauhan ng GEM VIR 1.

Nang sinubukan ito, hindi pa napapalaot ay nahati na ito sa gitna nang tamaan ng malalaking alon dulot ng Bagyong Quiel sa Oriental Mindoro.

Ayon sa mga mangingisda, mahina talaga ito kaya hindi nila maaaring gamitin. Plano pa umanong patibayin muna ito nang husto bago gamitin sa pangingisda.

Mabuti na lang at sa dalampasigan lang naganap ang pagkakahati nito at hindi ‘yung kung kailan nasa laot na sila kundi baka naulit pa ang kanilang sinapit noong banggain sila ng bangkang-pangisda ng China.

Nakakaawa ang mga tauhan ng GEM VIR 1. Ayon sa ulat, hindi na si Juniel Insigne ang kapitan nito kapag naayos at muli silang papalaot.

Bukod sa hindi pa handa ang nasabing bangka, hindi pa sila makapaghanapbuhay dahil wala pa raw silang kapital.

Bagama’t, may mga ipinangako raw sa kanila, hindi pa umano nila ito natatanggap kaya dahil dito ay ilang buwan na silang walang hanapbuhay. Pero ang tanong natin, nanagot ba talaga ang barkong bumangga sa kanila o basta na lang nakalusot?

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page