top of page
Search
  • BULGAR

Huwag manahimik kontra korupsiyon!

Kung hindi ninja cops, kotong cops naman!

Hindi na talaga mawala-wala ang mga pasaway na pulis. Ganu’n na ba kakakapal ang pagmumukha nila o baka may matibay silang pader na sinasandalan?

Pinakahuling nabulgar ay itong raket sa pagbili ng mga body camera.

Ayon sa pamunuan ng Philippine National Police (PNP), extortion o pangingikil ng ilang parak ang dahilan kaya nabalam ang pagbili ng nasabing mga kamera na gagamitin dapat sa operasyon kontra droga.

Tatlong miyembro ng technical working group na may ranggong police major ang sinasabing humirit ng P5 milyon bilang lagay mula sa isa sa mga bidder. Ang mananalong bidder ang magiging supplier ng mga body cam na nagkakahalagang P334 milyon.

Ang nangyari, kahit nagbigay na ng ‘padulas’ ay na-disqualify pa rin sa post-evaluation process ang nasabing bidder kaya nagsumbong ito at ang ending, sibak ang tatlong opisyal, goodbye kotong cops!

Sa sobrang dami ng mga proyekto at programa hindi lang sa PNP kundi sa lahat na ng ahensiya ng gobyerno, ilan pa kaya ang pinapasok ng korupsiyon?

Habang pilit na itinataas ang moral ng bawat ahensiya ng gobyerno ay patuloy naman ang pagsira ng mga anay na empleyado at opisyal.

At silang mga public servant na tahimik at tapat na nagtatrabaho ay nagiging biktima rin ng korupsiyon bago pa ang taumbayan.

Kung magpapatuloy ang ganitong kalakaran, walang kuwenta ang ibinibidang malawakang reporma.

Wala nang magtitiwala sa ating gobyerno, maaapektuhan ang ekonomiya at pare-pareho tayong nganga!

Kaya sa maliit o malaking bagay na maaaring pasukan ng korupsiyon, huwag tayong magpatukso at lalong huwag manahimik!

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page