top of page
Search
  • BULGAR

Libreng parking sa mall, pagbigyan na!

Kapag ganitong panahon, dagsa na naman ang mga tao sa mga mall — may mga namimili, namamasyal at kumakain.

At ang isa sa madalas na isyu ng mga kostumer ay ang parking space. Kung hindi punuan, grabe naman at taga kung maningil.

Kapansin-pansin din na magkakaiba ang rate ng parking fees ng mga mall. ‘Yung iba, umaabot pa sa mahigit P700. Pero ang mas matindi, may waiver of liability o iwas-pananagutan ang may-ari ng parking space sakaling manakaw o masira ang sasakyan ng kostumer. Talagang ang binayaran lang natin ay ang espasyo at hindi para ipagkatiwala sa kanila ang ating sasakyan. Tsk-tsk-tsk!

Ilang panukalang-batas na ang binuo para gawing libre ang parking sa mga mall, pero hanggang ngayon ay wala pa ring umuusad. Hindi man kasing-ingay ng mga kontrobersiyal na isyu ang sa parking fee, sana naman ay may mga mambabatas pa rin tayong mapansin ang matagal nang panawagan ng mga mamimili — gawin nang libre ang parking fee!

Hindi naman siguro kalabisan sa mga may-ari ng malls na kung bumili o kumain naman ang kostumer ay ilibre na ang parking, tutal kumita naman sila, hanapan na lang ng resibo.

Ang maaaring singilin ay ‘yung mga tumambay at nagpalamig lang o talagang parking space lang ang ginamit.

Sa isa pang pagkakataon, nananawagan tayo sa ating mga mambabatas na sana ay bigyang-pansin ang iba pang isyu na malapit sa taumbayan. Maaaring sa iba ay maliit na halaga ang P20 o P50 na parking fee, pero para sa marami ay malaking bagay na ito.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page