top of page
Search
  • Korina Sanchez

Justice system sa 'Pinas, wa' bago, bulok pa rin!

Dalawang dating mataas na opisyal ng Philippine Navy ang hinatulang may sala ng Sandiganbayan kaugnay sa kasong malversation.

Hindi nila maibalik ang kinuhang P83, 934 na dapat pambili ng gamot, pagkain at gagamitin sa mga piyesa ng opisyal na sasakyan para sa Naval Education and Training Center. Naisiwalat ito nang ma-audit sila ng COA (Commission on Audit).

Noong 2006 pa umano nangyari ang nasabing kaso, pero ngayon lang nabigyan ng hatol ng Sandiganbayan. Inutusan umano sila ng korte na ibalik ang nasabing halaga bukod sa posibleng pagkakakulong at panghabambuhay na pagbabawal sa kanilang magtrabaho sa gobyerno.

Kung ikukumpara natin ang kanilang kaso sa ibang mga kaso ng pandarambong na ibinasura lang tulad ng sunud-sunod na kasong ill-gotten wealth laban sa mga Marcos at kaso ng Euro Generals kahit pa may malinaw na ebidensiya laban sa kanila, maliit lamang ang kanila, pero hindi natin sinasabing inosente ang dalawang opisyal ng Navy, pero tila ganito lang talaga ang hustisya sa bansa sa kasalukuyan.

◘◘◘

Wala na ba talagang magagawa ang Presidential Commission on Good Government (PCGG) sa kanilang imbestigasyon para mabawi ang ill-gotten wealth ng Pamilya Marcos?

Tinanong ni dating Commission on Human Rights Chair Etta Rosales kung nasaan ang mga orihinal na dokumento na magpapalakas sa mga kaso laban sa kanila. Tila “nawawala” ang nasabing mga orihinal na dokumento kaya nauwi sa pagbasura ang mga kaso dahil ‘photocopy’ lang daw ang ipinakita sa hukuman.

May tao pa raw na nahuli sa akto na kumuha sa mga dokumento. Pero kung may ganitong paratang, hindi ba, dapat imbestigahan nang husto at alamin kung sinadya talagang mawala ang mga orihinal na dokumento para maibasura ang kaso?

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page