top of page
Search
  • Jersy Sanchez

Huwag puro trabaho... Self-care tips para sa mga busy sa career


Hindi natin maitatanggi na marami sa atin ang abala bilang professional kung saan ang ilan ay nakalilimutan nang alagaan ang kanilang sarili. Ito ay dahil career ang kanilang prayoridad kaya para sa kanila, mabuting magtrabaho nang mabuti at dedma na sa ibang bagay.

Siyempre, hindi naman ito puwede dahil kasabay ng pag-abot sa mga pangarap, may self-care rin dapat. Kaya mga besh, narito ang limang self-care tips para sa mga busy professional:

1. HUWAG MA-GUILTY. Sabi nila, pagtanggi ang isa sa mga sandata para magkaroon ng mapayapang buhay. Paano? Minsan ay kailangan nating tumanggi sa personal na buhay man o sa trabaho. Halimbawa, ang pagtanggi sa mga meeting.

Mga besh, aminin na natin na takaw-oras talaga ang meeting, pero hindi sa lahat ng oras ay dapat puntahan ang mga ito.

Hindi masamang pag-isipan kung a-attend ka o hindi dahil kung hindi ka naman kailangan, tumanggi ka na lang at magpaliwanag.

Gayundin, applicable ito sa mga ganap sa iyong personal na buhay. Hindi masamang tumanggi sa mga ito kapag alam mong mauubos nito ang oras mo at mapapagod ka. Huwag kang ma-guilty. Okie?

2. KONTROLIN ANG ORAS. Ang iyong kalendaryo at inbox ay puwede mong maging best-friend o kaaway, depende kung paano mo ito gagamitin. Kung ang mga ito ang palaging nagpapaalala sa iyo kung gaano ka ka-busy, bakit hindi mo ito gamitin para ipaalala na kailangan mo ring magpahinga? Halimbawa, maglaan ng oras sa bawat araw para sa iyong “me time” kahit busy ka na. Hindi mo kailangan ng maraming oras dahil ang 30 minutong pag-idlip kapag lunch break ay oks na.

3. MAGPOKUS SA PAGBUO NG FRIENDSHIP. Ang taong may sobrang hectic na schedule ay nangangailangan ng malakas na support system. Kung ikaw ay nagpopokus sa iyong career at nakakalimutang bumuo ng koneksiyon sa iyong mga kaibigan o pamilya, mataas ang tsansa na makaranas ka ng burnout.

Ang pagbuo ng koneksiyon sa pamilya ay hindi nangangailangan ng bonggang dinner o get-together. Minsan, kailangan n’yo lang ng “happy hour” tuwing weekend para marecharge at maiging konektado sa isa’t isa.

4. GUMAWA NG ROUTINE. Lahat tayo ay may iba’t ibang routine. Kumbaga, hindi ito “one size fits all” kaya kung ano ang nagwo-work para sa iyo ay puwedeng hindi mag-work para sa iba.

Ang pagkakaroon ng routine ay nakatutulong para maging maayos ang daloy ng iyong araw, lalo na kung marami kang trabaho.

Halimbawa, ang pagtulog at paggising ng parehong oras, pagwo-workout sa umaga o pagbabasa ng libro bago pumasok sa trabaho. Ang mga ito ay makatutulong para ma-manage ang napaka-busy mong araw sa trabaho.

5. MAGING SIGURADO. For sure, hanggang ngayon ay maraming nangangapa pagdating sa adulting dahil ‘ika nga nila, wala itong pattern.

Gayunman, hindi ito dapat maging hadlang para alamin ang iyong priorities pagdating sa mga personal goal, career development at marami pang iba.

Ikaw lang ang makasasagot sa lahat ng ito dahil ikaw ang dapat magkontrol ng buhay mo. Kung magkakamali, huwag kang malungkot dahil sabi nga nila, walang taong perpekto.

Mga besh, hindi masamang pagbutihin ang career, pero huwag n’yong pabayaan ang inyong sarili. Gayundin, huwag manghinayang sa self-care dahil lahat ng ito ay para sa ikabubuti ninyo. Gets mo?

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page