top of page
Search
  • Justine Daguno

Ipun-ipon din mga besh... Mga dahilan kaya dapat may pera sa pagtanda


Sa sobrang dami ng mga bagay na gusto nating gawin sa buhay, anu-ano ang mga bagay na dapat nating iprayoridad? Sure ba tayo na sa mabuting bagay napupunta ang ating mga pinaghihirapan ngayon?

Ayon sa pag-aaral ng Melbourne Mercer Global Pension Index (MMGPI), ang Pilipinas ang pang-apat sa worst retirement system sa 37 na mga bansa sa buong mundo. Marahil, ito ay dulot ng kakulangan sa impormasyon kung gaano kahalaga ang pagpaplano para sa pagreretiro. Walang masama na isipin ang kasalukuyan, pero dapat ‘advance tayong mag-isip’ minsan.

Well, bakit nga ba mahalagang i-settle ang ating retirement plan?

1. HINDI TAYO HABAMBUHAY MAGTATRABAHO. Sa pagtanda natin, gaanuman kaganda ang ‘job title’ o gaanuman tayo ka-passionate sa ating trabaho, hindi ito forever dahil darating sa punto na kailangan natin itong iwan. Kaya ang pagkakaroon ng retirement plan ang isa sa mga bagay na mahalagang magawa ng bawat isa.

2. PAGKAKATAON ITO PARA GAWIN ANG LIFELONG ASPIRATIONS. Realtalk, kapag nag-retire na tayo, wala na tayong dapat gagawin kundi ang i-enjoy ang mga natitira nating panahon. Pero, paano tayo makapag-e-enjoy kung wala naman tayong naipon o pinagplanuhan? Kung gusto natin na maging masaya ang ating pagreretiro, kailangan natin gumawa ng tamang pagpaplano.

3. RISKY ANG DUMIPENDE SA INSURANCE. Bagama’t, malaking bagay ang pagkakaroon ng insurance, meron lamang itong specific na paggagamitan. Maaaring hindi kasama sa mga coverage nito ang badyet ng pagkain sa ospital, pambayad sa mga private nurse at iba pang hospital charges. Kumbaga, ang retirement savings ang pampuno sa mga bagay na hindi na saklaw ng insurance.

4. UNFAIR NA UMASA SA MGA ANAK. Karamihan sa mga magulang, sobrang nag-i-invest sa kanilang mga anak dahil sa mindset na “pagtanda nila, ang mga anak na nila ang bahala”, pero tandaan, hindi sila retirement plan. Darating ang panahon na magkakaroon sila ng sariling buhay at pamilya, puwede silang magbigay o tumulong, pero hindi ibig sabihin nito ay aasa lang tayo sa kanila. Maging responsable at magplanong mabuti para sa pagreretiro upang hindi natin kailangang umasa sa sinuman.

5. MAHALAGA PARA SA MEDICAL EMERGENCY. Sa totoo lang, malaking porsiyento ng ating pinag-iipunan ay para sa ating kalusugan. Aminin man natin o hindi, kasabay ng pagtanda ang pagkakaroon ng iba’t ibang uri ng sakit. Tandaan, walang excuse para hindi mag-ipon, dapat palagi tayong prepared sa emergency!

Sa totoo lang, hindi nakakatakot tumanda, lalo na kapag napaghandaan ang stage na ito ng ating buhay. ‘Ika nga, lahat tayo ay tatanda. Pero dapat, as we get older, we grow not only by number but also in wisdom and security.

Gets mo?

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page