Bulgar Big Logo.jpg

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2019 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc. 

Pagputol sa matatandang puno sa Cebu, pinalagan ng mga residente

October 13, 2019

Fr. Robert P. Reyes / Kapaayapaan

 

Natapos na ang road widening sa Cebu. Pero ang akala natin, naputol nila ang mga punong nais nilang putulin dahil heto at may gusto na silang putulin, ang natitirang 30 matatandang puno sa Naga, Cebu. 


Ayon sa ulat, nakakuha ng permit sa  Department of Environment and Natural Resources (DENR) si Mayor Valdemar Chiong at ang mga opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH). Ang pumuputol ng mga puno ay ang Visayan Electric Company at DBB Contractors. 


Sa kabila nito, malinaw na walang nangyaring konsultasyon sa taumbayan dahil bigla na lang nagsimula ang pagpuputol ng mga puno. Walong puno ang kasalukuyang pinuputol at  nababahala rito ang ilang mamamayan ng Cebu.


Tila nauulit ang nangyari noon kung saan basta na lang pinagpuputol ng DPWH ang matatandang puno ng acacia  sa Naga at Carcar. Mabilis kumilos ang mga mamamayan at sinusuportahan natin sila upang pigilan ang ‘masaker ng mga puno sa Cebu.’ 


Nakalulungkot na ganu’n na lang magbigay ng permit ang DENR sa mga gawain na tahasang sumisira at pumapatay sa kalikasan.


Pumanaw na si Fr. Kim Suela OFM, isang kaibigang Pransiskano. Inilibing siya noong Huwebes pagkatapos ng mahabang paglilingkod sa Diyos, bayan at kalikasan. At noong Martes, kalilibing lang din ng isang kasama rin nating pari sa Diosesis ng Cubao na si Msgr. Benjamin Razon.


Marahil, hindi na kailangang ipaliwanag nina Msgr. Ben at Fr. Kim ang katotohanan na mayroong espiritu ang Inang Kalikasan, kaya naman, maaari ba tayong manalangin na sana, maliwanagan ang isipan ng mga walang paggalang at pagmamahal sa Inang Kalikasan?


May buhay ang Inang Kalikasan, gayundin ang iba’t ibang sangkap na bumubuo sa kanya. 


Malinaw ang kaugnayan ng puno sa bundok, hangin, tubig, lupa, mga hayop at maging sa tao.  Kaya trahedyang maituturing ang kawalan ng kakayahang tumingin at kilalanin ang malalim na kaugnayan ng mga ito.


Gamit na gamit ng mga negosyante ang makina na siyang haligi ng industriyalisasyon. Sa pinalawak na teknolohiya, bumibilis ang transaksiyon. 


Pero ang nakadidismaya, tila wala na silang pakialam sa anumang masagasaan nito dahil ang mahalaga sa kanila ay kumita ng malaking halaga. 


At tila  nakasasagabal sa kanila ang mga puno kaya ganu’n na lang kung putulin nila ang mga ito, gayundin kapag sagabal ang mga tao, magsasaka at katutubo, malamang ay palalayasin ang mga ito. Kapag sagabal ang institusyon, Simbahan at iba pa, susupilin nila ang mga ito.  


Panawagan natin sa DENR, DPWH, DBB Contractors, gayundin kay Mayor Valdemar Chiong, maaari ba kayong maghinay-hinya sa pagputol ng mga matatandang puno sa Naga, Cebu?


Maaari ba ninyong tingnan nang may paggalang ang mga punong pinuputol at pinapatay ninyo?  Maaari ba ninyong damhin ang mga puno na tila walang imik, pero kung pakikinggan ninyo nang mabuti ay humihikbi? 


Kapag pinuputol o pinapatay  ninyo sila, merong bahagi ng buhay ninyo ang napuputol at namamatay din dahil lahat tayo ay mayroong kaugnayan sa bawat isa, tao man ito o sangkap ng kalikasan.

Share on Facebook
Share on Twitter
Please reload

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

TOP STORIES

Please reload

.                                                                                      .                                                                                      .

  • hamburger icon blgr