Bulgar Big Logo.jpg

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2019 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc. 

Death benefit ng ama, legal na asawa at mga anak pa rin ang may ‘K’ tumanggap, hindi ang bagong pamilya

October 13, 2019

Buti na lang may SSS

 

Dear SSS,
Magandang araw! Mayroon akong katanungan tungkol sa SSS death benefit ng tatay ko. Pumanaw siya noong January 19, 2019. Tanong ko lang kung makukuha namin ang pensiyon niya sa SSS dahil si tatay ay may unang pinakasalan, pero ito ay namatay na noong 2000 at nasa amin ang kanyang death certificate. 

Si nanay ay mayroon ding unang pinakasalan. Kumbaga, pareho silang may unang pinakasalan. Gusto lang naming malaman kung maililipat ba kay nanay ‘yung pensiyon ni tatay kasi pabagu-bago ang isinasagot ng teller sa amin sa Diliman. ‘Yung unang pinagtanungan namin, death certificate lang ng unang pinakasalan ni tatay. Kaya nu’ng nakapag-provide kami ay ipinasa na namin. Pero, iba na naman ang ipinakukuha ng teller. Pinakukuha kami ng death certificate ng unang pinakasalan ni nanay, pero buhay pa ‘yun. Ano ba ang dapat namin gawin? Maraming salamat! — Venerando

 

Sagot
Mabuting araw, Venerando! Ang pagkakasunud-sunod o order of preference ng mga benepisaryo ng miyembro ng SSS ay ang mga sumusunod: Primary beneficiaries o pangunahing benepisaryo (legal na asawa at menor-de-edad na anak); secondary beneficiaries (mga magulang) at sinumang itinalaga ng miyembro bilang kanyang benepisaryo sa Social Security Form E-1/E4 at mga legal na tagapagmana ng namatay na miyembro.


Ang may karapatan sa batas na makatanggap ng death benefit ng miyembro ay ang legal na asawa at mga anak na legitimated, legal na inampon at illegitimate na wala pang 21 taong gulang at walang asawa.


Kung ang namatay na miyembro ay pensiyunado, ililipat sa kanyang legal na asawa ang buong basic pension na kanyang tinatanggap. At kung may anak siyang wala pang 21 taong gulang, makatatanggap ang kanyang anak ng buwanang dependents’ pension. Ang dependents’ pension ay katumbas ng P250 kada bata o 10% ng basic pension na tatanggapin ng kanyang nanay, alinman ang mas mataas. Ito ay ipinagkakaloob sa limang menor-de-edad na anak mula sa pinakabata. Matitigil lang ang benepisyong ito kapag dumating na sa 21 taong gulang ang anak ng miyembro, mag-asawa o makapagtrabaho.


Sa iyong kaso, hindi maituturing na benepisaryo ang iyong nanay dahil hindi siya ang legal na asawa ng iyong tatay.  Idagdag pa rito, may ibang asawa ang iyong nanay. Dahil dito, hindi niya maaaring tanggapin ang pensiyon mula sa SSS.  Kung sakaling may anak ang namatay na pensioner na wala pang edad 21, siya ang tatanggap ng dependents’ pension.


Pero kung wala nang menor-de-edad sa inyong magkakapatid, maaari kayong makatanggap ng nalalabing balanse ng inyong tatay na nakapaloob sa five-year guaranteed period. Sa ilalim ng five-year guaranteed period rule, kapag ang miyembro ng SSS na nakatatanggap ng retirement pension o total permanent disability pension ay namatay bago pa umabot sa limang taon ng pagtanggap ng pensiyon, ang balanse nito ay ibibigay sa mga secondary, designated o legal heirs nito na babayaran sa pamamagitan ng lump sum.


◘◘◘


Ipinaaalam natin sa mga SSS retiree pensioner na maaari pa rin silang mag-apply sa ilalim ng SSS Pension Loan Program para sa kanilang panandaliang pangangailangang pampinansiyal. Makahihiram na sila hanggang P200,000 na maaari nilang bayaran hanggang 24 months o dalawang taon. Magsadya lamang sa pinakamalapit na tanggapan ng SSS sa inyong lugar.

Kung mayroon man kayong mga katanungan tungkol sa SSS o mayroon kayong topic na nais matalakay sa kolum na ito, maaari ninyo kaming i-email sa mediaaffairs@sss.gov.ph.

Tags:

Share on Facebook
Share on Twitter
Please reload

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

TOP STORIES

Please reload

.                                                                                      .                                                                                      .

  • hamburger icon blgr