Bulgar Big Logo.jpg

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2019 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc. 

Lito Legazpi, good example na kahit super busy bilang artista, 'di nawalan ng oras kay Lord

September 14, 2019

Fr. Robert P. Reyes / Patakbo-Takbo

 

  

 

   

Sa kakulangan ng panahong manood ng telebisyon, maraming bagong artista ang hindi na natin kilala. Ang natatandaan na lang natin ay ang ilang haligi ng ‘entertainment industry’ tulad ng mga namayapang sina Fernando Poe, Jr., Dolphy, Eddie Garcia, Rudy Fernandez at iba pang mga kasabayan nila na karamihan ay namayapa na rin.

 

Nadalaw natin ang ilan sa kanila at na-witness natin ang mahabang pila ng kanilang mga tagahanga na nagpupumilit na masulyapan kahit ilang saglit lamang ang kanilang idolo. At muli nating nasaksihan ito noong isang gabi sa burol ni Ludovico “Lito” Legazpi.

 

Hindi natin lubusang kilala si Lito Legazpi kaya laking-pasalamat natin sa maikli, pero napakagandang pagbabahagi ng kanyang nakababatang kapatid sa kuwento nito. Binalikan ang ugali nitong mag-ipon ng ipa at gamitin bilang panggatong sa kanilang kalan. Inihalintulad niya ang kanyang kuya sa apoy na pinagmumulan ng init at enerhiya na nililikha ng sinusunog na ipa.

 

Hindi lang ang ipang sinusunog ang pinagmumulan ng init at apoy. Siya na naghanap ng ipa at ginagamit ito bilang panggatong ang pinagmumulan ng init at enerhiya. Sa kinabibilangan nitong pamayanang ispiritwal, siya ang init at enerhiya para sa kanila.

 

Sinabi ng Panginoong HesuKristo na, “Ako ang daan, katoto­hanan at buhay. Walang makalalapit sa Ama kundi sa pamamagitan Ko.” (Juan 14:6) Ang buong buhay ng ating Panginoon ay punumpuno ng pagmamahal. Taglay Niya ang hindi pangkaraniwang pagmamahal.

 

Sa ebanghelyo noong isang araw, ganito rin ang Kanyang sinabi, “Mahalin ninyo ang inyong kaaway at gawan ninyo ng mabuti ang mga napopoot sa inyo.” (Lukas 6:27) Hindi nag-iisa si HesuKristo sa Kanyang pagmamahal. Ang lahat ay galing sa Kanyang Ama at sabi rin Niya, “Ako at ang Ama ay iisa.” (Juan 10: 30). Kaya sa Ama rin galing ang pagmamahal na ipinamamalas at ipinadarama Niya sa iba. At mula sa Kanya, dumadaloy ang pagmamahal sa pamamagitan ng Espiritu Santo.

 

Bagama’t, si Lito ay artista, hindi niya pinababayaan ang kanyang kaugnayan sa Diyos. Hinahati niya ang kanyang bawat linggo kung saan apat na araw para sa Diyos at tatlong araw para sa pag-aartista.

 

Bihira ang ganitong uri ng pamumuhay dahil sa rami ng gawain ng mga artista mula shooting hanggang sa pag-eendorso ng mga produkto ay kaunti na lang ang natitirang panahon para sa kanyang personal na pangangailangan. Hindi malayong pag-aartista ang sentro ng kanilang buhay at kaunti na lang ang oras para sa ibang prayoridad tulad ng pamilya at pamamahinga. Malinaw sa halimbawa ng buhay ni Lito, ang pagpapahalaga sa mga bagay na tila walang hayagang kinalaman sa pag-aartista. Ayon sa kanyang kapatid, alam nito kung ano ang sentro ng kanyang buhay at ang higit na mahalaga.

 

Hindi ba, ito ang kulang sa mundo ngayon dahil kakaunti na lang ang mga taong alam kung ano ang sentro ng kanilang buhay?

 

Nang magtanong ako kung ano ang kanilang higit na hinahangaan sa namayapang aktor, ang sagot nila, “Ang kanyang malalim na pananampalataya at pagmamahal at hindi ang kanyang pagiging artista.”

 

Sa kuwentong-buhay ni Lito, bumubukal ang init at enerhiya ng pinakamahalaga at pinakasentro ng kanyang buhay — ang pagmamahal ng Diyos at pagbahagi nito para sa lahat.

Share on Facebook
Share on Twitter
Please reload

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

TOP STORIES

Please reload

.                                                                                      .                                                                                      .

  • hamburger icon blgr