top of page
Search
  • Dr. Shane Ludovice, M.D.

Pagkakaroon ng pasa, dahilan ng seryosong sakit


Dr. Shane M. Ludovice Sabi ni Doc

Dear Doc. Shane,

Palaging nagkakapasa sa katawan, partikular sa mga braso ang kapatid kong babae. Matagal bago ito mawala kaya nag-aalala kami na baka may sakit siya. Ano ang posibleng sanhi nito? — Armo

Sagot

Ang pagkakaroon ng pasa ay kadalasang dahil sa pagtama ng bahagi ng katawan sa matigas na bagay. Dahil sa puwersa ng pagtama, ang maliliit na ugat ng dugo sa ilalim ng balat ay maaaring pumutok at ang dugo na dumadaloy dito ay kakalat sa ilalim ng balat. Ang umagos na dugo sa ilalim ng balat ang nagiging pasa.

Pasa sa katawan, dahilan ng seryosong sakit - Sabi ni Doc

Ngunit sa ibang mga pagkakataon, may pasa na bigla na lamang lumilitaw sa balat nang hindi natin nalalaman. Ito ay kahit walang malakas na puwersa na tumatama sa bahagi ng katawan. Sa pagkakataong ito, makabubuting agad na magpatingin sa doktor sapagkat ang mga ganitong uri ng pasa ay maaaring dahil sa seryosong kondisyon sa kalusugan tulad ng mga sumusunod:

Senile purpura. Ito ay kondisyon na kalimitang nararanasan ng matatanda kung saan madali silang nagkakapasa sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Ito ay sa pagtanda ng katawan na nagreresulta sa madaling pagputok ng maninipis na ugat at pagkakaroon ng mga pasa. Ang mga pasa ay maaaring maliit o masyadong malaki. Bagaman, nakakatakot ang malalaking pasa na dulot ng senile purpura, walang dapat ikabahala sapagkat ito ay karaniwan lang at hindi nagdudulot ng panganib sa kalusugan.

Epekto ng iniinom na gamot. Bukod sa aspirin at paracetamol, marami pang uri ng gamot na nabibili over-the-counter ang maaaring may mga side-effects. Isa sa mga karaniwang side-effects ay ang pagkakaroon ng pasa. Ang gamot na malimit makapagdulot nito ay ang mga anti-inflammatory drugs, antibiotics at ilan pang gamot para sa sakit sa puso.

Sakit sa dugo. Ang pagpapasa ay maaaring indikasyon ng pagkakaroon ng sakit sa dugo. Maaaring dahil ito sa simpleng kakulangan ng platelet sa dugo o dahil sa malalang sakit na leukemia o kanser sa dugo.

• Kakulangan ng Vitamin K. Ito ay bitamina na kinakailangan ng katawan para makontrol ang pamumuo ng dugo. Isang sintomas ng kakulangan sa bitaminang ito ay ang madalas o madaling pagkakaroon ng pasa sa katawan.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page