Management, hindi na makikihati | Service charge, solo nang makukuha ng mga empleyado!
August 16, 2019
SA mga nagtatrabaho sa mga restoran, hotel at iba pang establisimyento, magandang balita, tataas na ang maiuuwi ninyong suweldo buwan-buwan dahil sa bagong batas na Republic Act 11360.
Kamakailan, pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang batas na nag-aamyenda sa probisyon ng Labor Code tungkol sa pamamahagi ng service charge na kinokolekta ng mga establisimyento sa kanilang customer.
Kung noon, kahati ng manggagawa ang management sa service charge, ngayon ay solo na ito ng empleyado, ayon sa R.A. 11360.
Aba, malaking bagay ito, lalo na kapag ang establisimyento ay sikat at maraming customer, araw-araw.
Madalas, 10 porsiyento ang dagdag sa “bill” ng kostumer, kaya lumalaki ang kuwenta ng in-order mo.
‘Yung ibang tao, hindi na nag-iiwan ng tip dahil katwiran nila, may “service charge naman”.
Oks lang sa ating mga Pinoy ang patong sa chit dahil naiisip nating napupunta naman ang perang ito sa mga empleyadong nagsisilbi sa atin.
Ngunit, hindi pala lahat ng ito ay napupunta sa paborito nating service crew.
Sa lumang Article 96 ng Labor Code, sinabing 15 porsiyento ng mga nakolektang service charge ay mapupunta sa management habang ang 85 porsiyento naman ang napupunta sa empleyado.
Ngayon, binago na ang hatian nito kung saan dapat, lahat ng service charge ay mapupunta na sa mga empleyado.
Natutuwa tayong magkakaroon ng dagdag-sahod ang mga empleyado.
Isang gantimpala ito sa kanila na inaasahan natin dahil dito ay mas pagbubutihin pa nila ang kanilang serbisyo.
Sa totoo lang, dapat ganitong mga bagay ang pinagkakaabalahan ng Kongreso para madaling mapirmahan ni Pangulong Duterte.
Ito ‘yung mga bagay na direktang makatutulong sa kabuhayan ng mga kababayan nating nagsisikap upang magkaroon ng maginhawang buhay.
Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.
. . .