Bulgar Big Logo.jpg

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2019 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc. 

Hirap sa pakikipag-sex at madalas na pag-ihi, ilan lang sa mga sintomas ng myoma

August 16, 2019

SHANE M. LUDOVICE, M.D / SABI NI DOC

 

   

 

 

Dear Doc. Shane,

Ako ay 45 years old at may dalawang anak. Nagkaroon ako ng myoma noong isang taon at ang sabi ng doktor, hintayin ko na lang daw na mag-menopause ako dahil mawawala rin daw ito, lalo na at wala na­man daw akong sintomas na nararamdaman sa kasalukuyan. Ano ba ang mga sintomas na dapat kong bantayan at totoo bang mawawala ito kapag menopause na ako? — Gilda

 

Sagot

Ang myoma (uterine fibroids; myoma uteri) ay mga bukul-bukol na tumutubo sa matris ng babae sa mga taon na sila ay maaaring magdalantao. Hindi ito kanser at hindi rin naka­mamatay na sakit subalit, ito ay maaaring magdulot ng kirot o sakit sa puson at pagbabago sa monthly period.

 

Bagama’t, hindi pa lubusang maipaliliwanag ang sanhi ng myoma, ang pag­kakaroon nito ay sinasabing dulot ng genetics (nasa lahi) at hormones sa katawan.

 

Lahat ng babaeng nire­regla pa o maaari pang magdalantao ay puwedeng maapektuhan nito. Saman­tala, ang paggamit ng pills o OCPs para sa family planning ay nakabababa ng panganib sa myoma ngunit, marami pang pag-aaral ang kailangang gawin upang matiyak ang mga ito.

 

Narito ang ilan sa mga sintomas ng myoma:

  • Pagbabago sa month­ly period. Dinurugo nang mas grabe o mahabang period, imbes na 3-4 araw lang ay tumatagal ng isang linggo o higit pa.

  • Pagbabago sa pag-ihi. Madalas na pag-ihi, mahapding pag-ihi at hirap ilabas ang ihi o parang binabalisawsaw.

  • Pagbabago sa pag­dumi. Madalas na nahihira­pan sa pagdumi o pagtitibi.

  • Hirap sa pakiki­pagtalik. Nakararanas ng masakit o makirot sa ibabang bahagi habang nakikipag-sex.

  • Matinding kirot. Masakit o makirot na pakiramdam sa bandang puson, pantog, balakang at mga hita.

Maraming kaso ng myoma ang walang sintomas at kung ganito ang kaso, puwedeng hayaan na lang ito subali’t kapag nakararam­dam ng matinding pagkirot o sakit na nakasasagabal sa pang-araw-araw na gawain, makabubuti kung magpa­pakonsulta agad sa OB-Gyne.

 

Ano ang gamot sa myoma?

 

Ang gamutan dito ay depende kung gaano ito kalala. Kapag ang kaso ay hindi naman malala, puwedeng bantayan na lang muna ang myoma kasi kapag ang babae ay nag-menopause na, malaki ang posibilidad na lumiit o tuluyan itong mawala.

 

Gayunman, maaaring magreseta ang iyong doktor ng mga gamot na puwedeng inumin. Kabilang ang gonadotropin-releasing hormone (GnRH) agonists, androgens at ilang uri ng mga IUD.

 

Narito ang ilan sa operasyon na puwedeng gawin para sa myoma:

  • Hysterectomy (pag­tanggal ng buong matris). Kung wala nang planong magkaroon ng anak, ito ay epektibo dahil hindi na makararanas ng pagregla o pagdurugo.

  • Myomectomy (pag­tanggal ng myoma sa matris). Ito ay isang uri ng operasyon kung saan aalisin ang myoma. May iba’t ibang technique para rito. Ang bentahe nito, ang matris ay naroon pa rin at puwede mo pang subukang magbuntis subalit, may pagkakataon pa rin na muling bumalik ang myoma.

Bukod sa dalawang ito, may mga makabagong technique rin tulad ng uterine artery embolization, endometrial ablation at iba pa. Muli, makipag-ugnayan sa inyong OB-Gyne kung alin sa mga ito ang nararapat na gawin sa inyo.

Share on Facebook
Share on Twitter
Please reload

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

TOP STORIES

December 8, 2019

Please reload

.                                                                                      .                                                                                      .

  • hamburger icon blgr