
NANUMBALIK na sa normal na operasyon ang flights ng Philippine Airlines (PAL) paroon at parito sa Hong Kong.
Ayon sa flag carrier, ang pagbabalik ng flights sa dating British Colony ay dahil sa paghihigpit ng Hong Kong International Airport Authority sa seguridad sa paliparan.
Ayon pa sa PAL, lahat ng pasahero na papasok sa Chek Lap Kok International Airport ay kailangang magpakita ng kanilang valid ID, passport at boarding pass habang ang mga kawani ay magpresinta ng kanilang airline ID o airport permit.
Lahat ng pasaherong palabas ng Hong Kong ay hinimok na dumating sa paliparan ng tatlong oras bago ang flight departure time.
Samantala, patuloy pa rin ang deployment ng mga overseas Filipino worker (OFW) sa Hong Kong sa kabila ng nagaganap na marahas na protesta roon.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, hangga’t wala silang natatanggap na rekomendasyon mula sa Department of Foreign Affairs, magpapatuloy ang pagpapadala ng mga OFW sa Hong Kong.
Tiniyak naman ng kalihim na tinututukan ng Philippine Overseas Labor Office ang sitwasyon sa Hong Kong.
Pinayuhan na ng labor secretary ang mga OFWs na manatili sa kanilang tinutuluyan at umiwas sa pagtungo sa mga lugar ng protesta.
Pinaiiwas din ni Bello ang mga Pinoy sa Hong Kong na magsuot ng puti o itim na shirt kapag nasa labas para hindi mapagkamalang kasali sa mga protesta.
Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.
. . .