top of page
Search
  • BULGAR

Worried na pumutok ang appendix kapag hindi agad naoperahan

Dear Doc. Shane,

Maaari bang pakitalakay ninyo ang tungkol sa sakit na appendicitis? Ano ang mga sintomas nito? Totoo ba na puwedeng pumutok ang appendix kapag hindi agad ito naoperahan? — Cynthia

Sagot

Ang appendicitis ay ang pamamaga ng appendix, 3 ½ pulgadang tubo na nakakabit sa bituka ng tao. Ang pagkakaroon ng appendicitis ay seryosong medikal na sitwasyon na nangangailangan ng agarang lunas. Kapag ito ay napabayaan, ang namamagang appendix ay maaaring sumabog. Ito ay maaaring mauwi sa peritonitis, seryosong pamamaga sa lining ng bituka na maaaring ikamatay ng pasyente, maliban na lamang kung magamot agad.

Ang appendicitis ay nangyayari kapag ang appendix ay barado na kadalasan dahil sa dumi, foreign object o cancer. Ang pagbabara ay maaaring sanhi ng impeksiyon.

Narito ang ilan sa mga sintomas ng appendicitis:

  • Pagkirot na mararamdaman malapit sa pusod o itaas na bahagi ng tiyan.

  • Pagkirot sa itaas o ibabang bahagi ng sikmura, likod o puwit.

  • Kawalan ng gana sa pagkain.

  • Pagkahilo at pagsusuka pagkatapos magsimula ang pananakit ng sikmura.

  • Pamamaga ng sikmura.

  • Lagnat na 39 degrees o mas mataas pa.

  • Kawalan ng kakayahang umutot.

  • Masakit na pag-ihi o kahirapan sa pag-ihi.

  • Pagsusuka na kasunod ng pananakit ng tiyan.

  • Matinding paghilab ng tiyan.

  • Kahirapan sa pagdumi o pagtatae na may kasamang utot.

Paano ginagamot ang appendicitis?

Ang operasyon upang tanggalin ang appendix o appendectomy ang magandang gawin sa appendicitis. Kadalasan, kung ang pasyente ay nakararanas ng nasabing mga sintomas ng appendicitis, maaaring tanggalin agad ng doktor ang kanyang appendix para maiwasan ang pagputok nito. Kapag ang appendix ay nagkaroon ng nana, maaaring sumailalim sa dalawang proseso ang pasyente. Una, kailangang tanggalin ang nana at iba pang tubig na nasa appendix. Pangalawa, ang aktuwal na pagtanggal sa appendix subalit, may mga pag-aaral na nagsasabing ang pagbibigay ng antibiotic sa pasyenteng may acute appendicitis ay maaaring maging kapalit ng operasyon o appendectomy.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page