top of page
Search
  • BULGAR

Kaalaman tungkol sa pagbubuntis

Dear Doc. Shane,

Anim na taon kaming naging mag­kasin­tahan bago nagpakasal ng aking asawa. Sa totoo lang, sobrang excited na kaming magka-baby dahil if ever, ito ang unang apo sa aming pamilya. Gayunman, napansin kong delay ng dalawang linggo ang aking monthy period at sa palagay ko ay buntis ako. Gusto kong malaman kung ano ang madalas na sintomas nito? — Cindy

Sagot

Ang unang trimester ay ang una hanggang 12 linggo ng pagbubuntis. Sa panahong ito, maraming pagbabagong nararanasan ang babae dahil sa hormonal changes na nakaaapekto sa halos lahat ng organ ng katawan. Ang mga pagbabagong ito ay puwedeng mag-trigger ng mga sintomas.

Ang mga sumusunod ang ilan sa mga sintomas nito:

  • Sobrang pagkapagod

  • Pamamaga ng mga suso at pagbabago ng kulay ng nipples

  • Pagkahilo at pagsusuka

  • Madalas na pag-ihi

Nagsisimulang ma-develop ang puso at baga ng sanggol kasabay ng utak, spinal cord, nerves, braso at hita sa unang buwan ng pagbubuntis. Sa ikatlong buwan, nagsisimulang mag-grow ang mga buto, muscle, daliri at bituka ng bata. Sa panahong ito madalas nalalaglagan ang ina.

Ang pangalawang trimester naman ay ang ika-13 hanggang 27 linggo ng pagbubuntis. Ang ilan sa mga hindi kaaya-ayang epekto ng pagdadalantao tulad ng pagkahilo ay nababawasan o tuluyang nawawala sa mga panahong ito dahil naka-adjust na ang katawan sa pregnancy hormones. Ang isa sa mga pinakama­laking pagbabago sa stage na ito ay ang paglaki ng tiyan.

Narito ang mga puwedeng mag­bago sa katawan kung nasa ikala­wang trimester ng pagbu­buntis:

  • Pananakit ng ilang parte ng kata­wan tulad ng likod, tiyan, singit at hita.

  • Pagkakaroon ng stretch marks sa tiyan, suso, singit at puwit.

  • Pangingitim ng balat sa paligid ng nipples.

  • Pagkakaroon ng linya mula sa pusod hanggang sa ari.

  • Pamamaga ng daliri, mukha at bukung-bukong.

Sa pagitan ng ika-18 hanggang ika-22 linggo, maaari nang malaman ang kasarian ng bata sa pamamagitan ng ultrasound. Sa ikaapat na buwan, nade-develop na ang leeg, mga kilay, pilikmata at kuko. Nagka­karoon na rin ng buhok at bumu­bukas na ang mga mata sa ikaanim na buwan.

Ang pangatlong trimester naman ay sa ika-28 hanggang ika-40 linggo ng pagbubuntis, ang mga nagdada­lantao ay maaaring mahirapan sa paghinga dahil lumiliit ang espasyo ng baga para mag-expand dulot ng lumalaking uterus. Mas dadalas na rin ang pag-ihi dahil sa dagdag na pressure sa bladder. Maaari ring makaranas ng paglabas ng colostrum bilang paghahanda sa breastfeeding.

Sa pang-apat na trimester, ang fetus ay sumisipa na at nag-iinat. Kaya na rin nitong mag-respond sa ilaw at tunog. Kaya rin nilang buksan at isara ang kanilang mga mata. Pagdating naman ng pangwalong buwan, maaari ng sinukin ang bata. Mas mabigat na rin ang fetus dahil matigas na ang mga buto nito.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page