top of page
Search
  • BULGAR

Babala sa mga may nakakapang bukol sa dibdib!

Dear Doc. Shane,

Na-diagnosed na may Stage III breast cancer ang aking auntie ngunit, hindi pa siya naooperahan. Ano ba ang ibig sabihin ng stages sa breast cancer? — Railey

Sagot

Kanser ang tawag sa sakit kung saan may mga cell ng katawan na dumarami nang hindi kontrolado ng katawan at sa paglaganap ay sinisira nito ang normal na bahagi ng katawan. Kung hindi ito maaagapan ay kakalat nang kakalat hanggang sa hindi na makaya ng katawan at ito ay maaaring mauwi sa pagkamatay subalit, sa kabila nito, ang kanser ay maaari nang magamot ngayon at hindi na ito nangangahulugan ng siguradong kamatayan, lalo na kung ito ay maaagapan. Sa sakit na cancer, ang mga ‘stage’ ay ang mga antas ng pagkakasakit, ayon sa iba’t ibang pamantayan.

BREAST CANCER, STAGE 0

Mayroong mga cell na cancerous subalit, ito ay nakapaloob sa isang butil o maliit na bu­kol. Ito ay kalimitang nalalaman agad sa pamamagitan ng mammography. Depende sa iba’t ibang mga bagay tulad ng edad ng pas­yente at ang pagkakaroon sa pamilya ng breast cancer, puwedeng obserbahan lamang ang apektadong suso ngunit, puwede ring tanggalin ang bukol sa pamamagitan ng operasyon.

BREAST CANCER, STAGE I

Maliit pa ang kanser, ang breast cancer ay nasa loob ng suso ng babae subalit, ito ay kumakalat na sa labas ng bukol. Dahil ito ay kumakalat na, kahit maliit pa, ang pinakamabuting gawin ay surgery o operasyon — karaniwang tinatanggal ang isang bahagi ng apektadong suso (lumpectomy) o inaalis ang buong suso (mastectomy). Depende sa iba’t ibang mga bagay tulad ng edad ng pasyente, ang pagkaka­roon sa pamilya ng breast cancer dati ay maaaring sumailalim din sa chemotherapy, radiotherapy at endocrine therapy.

BREAST CANCER, STAGE II

Katamtaman ang laki ng bukol sa suso at maaaring kumalat na sa mga kalapit na kulani ang mga cancerous cell ngunit, hindi pa ito lumalabas sa suso. Operasyon pa rin ang pangunahing paraan ng gamutan, ngunit, mas madalas na itong inaalalayan ng iba pang gamot tulad ng chemotherapy, radiotherapy at endocrine therapy para mas mataas ang probabilidad na masugpo ang kanser.

BREAST CANCER, STAGE III

Malaki na ang bukol at may ilang kulani na rin na apektado ng kanser. Maaaring ang kanser ay kumalat na rin sa ‘chest wall’ o ang haligi ng dibdib na naghihi­walay sa suso sa loob ng katawan. Dahil malaki na ang kanser, kailangan nito ng kumbinasyon ng dalawa o higit pang gamot tulad ng chemotherapy (paggamit ng mga gamot upang labanan ang kanser), operasyon, radiotherapy (paggamit ng malalakas na x-ray upang sugpuin ang mga cell na mayroong kanser), endocrine therapy (tulad din ito ng chemotherapy, pero ang ginagamit ay hormones).

BREAST CANCER, STAGE IV

Kumalat na ang kanser sa iba’t ibang bahagi ng katawan tulad ng buto, bituka, atay, baga etc. Dahil dito, kalimitan ay walang benepisyo ang operasyon, bagkus, susubukan na lang sugpuin ang kanser sa pamamagitan ng chemotherapy, radiotherapy, endocrine therapy. Kung sobrang malala na ang kanser, ang paggagamot ay para maiwasan ang sakit, hirap sa pagtulog, hirap sa paghinga, hirap sa pagkain at iba pang puwedeng maramdaman ng pasyente. Ang layunin ay manatiling maayos ang kalidad ng buhay ng pasyente.

Ang mga paraan ng gamutan na ating tinalakay ay mga general guideline ngunit, bawat pasyente ay nangangailangan ng partikular na gamutan ayon sa kanilang mga doktor, depende sa kanilang partikular na kalagayan. Ang kanser ay isang matinding sakit, ngunit, sa anumang ‘stages’ nito ay may mga gamot na maaaring ibigay upang masupil ang sakit o mapanatili ang kalidad ng buhay.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page