top of page
Search
  • BULGAR

'Power nap' puwede sa empleyado, oks din ba sa pangulo ng bansa?

KAILANGAN ba talagang may mangyari muna bago kumilos ang PNP.?

Dahil sa video ng road rage kung saan ang isa sa mga sasakyan ay may plakang “8”, naging mahigpit naman ang PNP sa mga sasakyang may ganu’ng plaka.

Lumabas na isang entertainer ang may-ari ng sasakyan na nanuntok ng motorista sa Angeles City, Pampanga. Hindi na sana ito malaking isyu pero dahil sa plakang “8”, mas nabigyan ng atensiyon. Hindi naman pala mam­babatas. Kaya ano ang karapatan niyang gumamit ng plakang “8”?

Dahil naghigpit ang PNP, dalawang sasakyan ang kinumpiska ng Task Force Limbas na may plakang “8” at may malaking sticker pa ng Office of the President. Tila kulang ang plakang “8” kaya dapat may matinding sticker pa. Ayon sa may-ari ng dalawang sasakyan, nakakabit na raw ang mga plaka at sticker nang ibayad sa kanya ang dalawang sasakyan. Sino ang nagbayad sa kanya? Mambabatas ba? Konektado ba sa opisi­na ng pangu­lo? Bakit hindi tinanggal at iki­na­bit ang regular na plaka? Para bida sa kal­sada? Ganito ang kultu­rang “wang-wang” na nais tanggalin ng nakaraang adminis­trasyon. Mukhang bu­malik na naman ngayon.

◘◘◘

May ilang opisina o kumpanya ang hinihikayat ang kanilang mga emple­yado na matulog ng ilang minuto o “power nap” kung tawagin. Ito ay para maging mas alerto at presko, para mas maganda rin ang tra­baho. Mga empleyado ng kum­panya ito. Maaari bang sabihin na ganito rin para sa pangulo ng bansa? Ito kasi ang dahilan na ibinigay ng Palasyo kung bakit wala si Pangu­long Rodrigo Duterte sa ilang miting sa pagpupulong ng mga lider ng ASEAN sa Singapore. Nagpahinga lang daw.

Agad naman dumepensa ang kanyang gabinete at kaalyado sa mga batikos ng ilang mambabatas. Pero, kung ganu’n at mapapagod lang pala at kailangan magpahinga, bakit pa nagpunta sa Singapore? Kung puwede naman na si DFA Sec. Teddy Boy Locsin at iba pang miyembro ng gabinete ang maging kinatawan ng pangulo at makipag-usap sa lahat, kailangan bang pumunta?

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page