Hindi maiaahon sa krisis ang bansa ng boksing

July 17, 2018

FR. ROBERT P. REYES / PATAKBO-TAKBO

 

  

ANO ang dapat gawin sa araw ng Linggo? Sa mga hudyo, Sabado ang Sabbath —ang araw ng pagtigil ng karaniwang takbo ng buhay upang bumalik sa likas na ritmo ang lahat, ang ritmo ng Diyos. Subalit, sa malaking bahagi ng mundo, Linggo ang kinikilalang Sabbath ng mga Kristiyano. Sabado man o Linggo, ang mahalaga ay ang pagkilala sa panahon ng Diyos na bahagi mismo ng espiritu ng Diyos.

 

Tumigil halos ang lahat dahil sa laban ni Pambansang Kamao Manny Pacquiao kay Lucas Matthysse. Naglalakad tayo noong isang gabi nang makasalubong natin ang isang dating parukyano. Binati natin ang lalaki at tinanong ito kung bakit nasa labas pa siya nang mga oras na ‘yun? “Marami akong ikinakabit na cable para sa mga nais panoorin nang live ang laban nina Pacquiao at Matthysse.” Oo, tila talagang tumigil ang lahat dahil sa kakaibang Sabbath ng diyus-diyosan ng boksing. Maraming nakinabang sa labang ito. Unang-una na ang promoter ng laban. Pangalawa, ang dalawang boksingero na malaki na ang tatanggaping parte sa kikitain ng kanilang laban. Pangatlo, ang mga kumpanya ng cable TV na magbebenta ng “pay-per-view.” Pang-apat, ang napakaraming  kainan at bar na ipalalabas ang laban kasabay ng pagtanggap ng order ng pagkain at inumin. Panlima, ang malalaking sugarol na tumaya ng milyun-milyon pati na ang maliliit na sugarol na tumaya rin ng maliliit na halaga. Huwag din nating kalimutan ang maraming pulitiko na namasyal at nanood sa Kuala Lumpur upang suportahan ang Pambansang Kamao.

 

Napakalakas ng hatak ng boksing sa maraming mamamayan. Napakalakas ding kumiliti ng ekonomiya. Subalit, walang mababago sa ekonomiya at lalong walang mababago sa matinding krisis ng katotohanan, katarungan, dangal at kapayapaan. Mayroon kayang magagawa sa pagbangon ng tunay na pagmamahal at pagmamalasakit sa kultura, kasaysayan at kasarinlang Pilipino?

 

Mayroong magandang pelikula noong araw na hanggang ngayon ay binabalik-balikan natin. Ito ang istorya ni Eric Liddell, ang Kristiyanong taga-Scotland at ni Harold Abraham. Kristiyano si Liddell at Hudyo naman si Abraham. Ipinakita kung paano hindi lumahok si Liddell sa anumang kumpetisyon ng takbo kung ito ay magaganap sa araw ng Linggo. Ang Linggo ay para sa Diyos at walang sinuman o anumang makaaagaw sa araw ng Linggo sa pagsambang nakalaan para sa Diyos. Mahal ni Liddell ang pagtakbo subalit, mas mahal niya ang Diyos kaysa rito. Lumalaban naman si Abraham sa diskriminasyong nararanasan nito bilang Hudyo, subalit, higit na namamayani ang ambisyon nito kaysa sa kanyang pananampalataya. Ibang-iba ang dalawa. Hindi ikokompro­miso ni Liddell ang araw ng Linggo upang ibigay nang buumbuo ang lahat sa Diyos. Sa kabila ng mga tagumpay ni Liddell sa larangan ng pagtakbo, hindi ito ang naging pangunahing motibo nito sa buhay. Nagpasya itong bumalik ng Tsina upang maging misyunero roon. Namatay si Liddell sa Tsina sa kamay ng mga mananakop na Hapones.

 

Hindi nawala ang pagsamba ni Liddell sa tunay na Diyos. Hindi nawala ang Sabbath sa kanyang buhay. Dahil dito, nanahan ang Diyos sa kanya at ganundin siya sa Diyos.

 

Pansamantalang tumigil ang lahat kamakalawa, ngunit, hindi upang ipagdiwang ang Sabbath ng Diyos. Kaya pa kaya nating bumalik sa Sabbath, sa panahon, sa espiritu ng tunay na Diyos na siyang magbibigay sa atin ng tunay na katarungan, kapayapaan at kalayaan?

Share on Facebook
Share on Twitter
Please reload

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

TOP STORIES

Please reload

.                                                                                      .                                                                                      .

BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2020 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.