top of page
Search
  • BULGAR

Women's Baseball Team aasang tuloy ang World Cup kahit may pandemya

ni Gerard Arce - @Sports | September 25, 2020




Nananatili pa ring buo ang pag-asa ng Philippine National Women’s Baseball team na matutuloy pa rin ang paglahok sa darating na Women’s Baseball World Cup na nakatakdang simulan sa Nobyembre 12-21 sa Tijuana, Mexico, kasunod ng patuloy na paglobo ng mga kaso sa naturang bansa dulot ng mapinsalang coronavirus disease (Covid-19) pandemic.


Masigasig na nagsasanay ang koponan ni national head coach Edgar “Egay” De Los Reyes sa pamamagitan ng online training programs sa ilalim ng zoom applications, kaantabay ang pag-aaral ng mga magagandang diskarte at plays, gayundin ang panonood ng iba’t ibang laro upang makakuha ng mga bagong impormasyon at kaalaman ang newly-formed na lady batters.


Gayunpaman, bukod sa pag-alalang iniisip na may posibilidad na maiurong o makansela ang biennial tournament, malaking abala rin sa kanila ang kakulangan ng aktuwal na pagsasanay dahil sa ipinagbabawal pa ang pag-eensayo ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Disease (IATF-EID). Isama pa umano rito ang kakulangan ng pondo upang madala sa isang ligtas na pasilidad ang buong koponan, kung saan maliban sa Rizal Memorial baseball ground, puntirya rin nila ang mabitbit ang Lady Batters sa University of the Philippines Los Banos sa Laguna o sa The Villagers sa Clark Field, Pampanga, kung saan ginanap ang men’s baseball event sa 2019 Southeast Asian Games noong isang taon.


Malaki talaga ang possibility na ma-move ang World Cup this year. Inaantay lang talaga namin kung ano ang magiging decision ng aming International Federation,” pahayag ni De Los Reyes sa lingguhang TOPS: Usapang Sports On Air, Huwebes ng umaga sa online session, katulong ang Philippine Sports Commission (PSC) at Philippine Amusment and Gaming Corporation (Pagcor) at mapapanood ng live sa Sports on Air via Facebook. “Pero ganun pa man po ay tuloy-tuloy lang ang aming pagte-training kase if ever na ilipat ng venue ay ready pa rin kami,” dagdag ng national head coach, na tinukoy na maaring saluhin ng Taiwan o Japan ang nasabing prestihiyosong kumpetisyon dahil may kasaysayan ang mga bansang ito na sumasalo ng pag-oorganisa sakaling maipagpaliban ang baseball event sa orihinal na paggaganapan.


Nagawa ng dumulog ng kanilang pamunuan na Philippine Amateur Baseball Association (PABA) sa ahensya ng pampalakasan upang tulungan silang lumapit sa Task Force upang payagan silang magsimulang magsanay. Gumawa na ang mga ito ng health and safety protocols at guidelines para sa kaligtasan ng kanilang mga manlalaro’t coaches, ngunit wala pa rin umanong direktang aprobasyon mula sa Task Force.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page