top of page
Search
  • BULGAR

Utos ni P-DU30 sa tamang presyo ng swab test, next week na

ni Lolet Abania | September 26, 2020




Isang executive order na magtatakda sa nararapat na halaga ng RT–PCR [reverse transcription polymerase chain reaction] o swab tests para sa COVID-19 ang ilalabas sa susunod na linggo, pahayag ng isang opisyal ng Department of Health (DOH).


Ayon kay DOH Usec. Ma. Rosario Vergeire, nakapagsumite na ang ahensiya ng proposal sa ibibigay na EO ng Office of the President para sa magiging suggested retail price (SRP) ng Coronavirus diagnostic methods na mabibili sa merkado.


Gayunman, kung kailan mag-iisyu ng EO, sabi ni Vergeire, "Wala pang balita, pero baka next week."


Dagdag niya, dahil sa walang batas para i-regulate ang presyo ng COVID-19 diagnostic methods, hindi maaaring basta magtakda ng halaga nito ang DOH.


"Ito [EO] po ay hinihintay natin, kasi wala po tayong batas na magsasabi na we can regulate, meron lang ho tayo sa gamot at wala tayong para diyan," sabi ni Vergeire.


Nagsagawa na rin ang ahensiya ng price surveys sa iba’t ibang laboratoryo sa bansa upang malaman ang magiging price range nito, ayon pa sa kanya.


Samantala, noong nakaraang linggo, nabanggit ng Malacañang ang posibilidad na mag-impose ng price cap si Pangulong Rodrigo Duterte para sa RT-PCR o swab tests sa COVID-19.

Ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque, maaaring maglabas ang presidente ng isang EO na magre-regulate ng presyo ng swab tests, kung saan may nauna nang inisyu para naman sa maximum retail price sa ibang mga gamot.


"I don’t think it is impossible for him to issue this executive order,” sabi ni Roque.


Iminungkahi rin ng Palasyo sa mga laboratories na babaan muna ang presyo nito, habang hinihintay pa ang desisyon ng pangulo sa hinihiling ng DOH.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page