ni Anthony E. Servinio - @Sports | October 8, 2022
Isang ganadong defending champion United City FC ang haharap sa bisitang Mendiola FC 1991 sa pagpapatuloy ng 2022-2023 Philippines Football League (PFL) hatid ng Qatar Airways sa PFF National Training Center sa Carmona, Cavite simula 4 p.m. Kasabay nitong sisipa ang tapatan ng Stallion Laguna FC at bisitang Maharlika Manila FC sa Biñan Football Stadium.
Layunin ng United City na magtagumpay at maagaw ang solong liderato ng PFL. Kung sakali, tatalon mula sa ikatlong puwesto ang mga kampeon sa 19 mula sa 16 puntos at lalampasan ang naghihintay na Kaya FC Iloilo (18) at Dynamic Herb Cebu FC (17).
Alam ng United City na mas hihigpit ang kompetisyon sa Round 2 at patunay dito ang kanilang 1-0 na pagtakas sa kulelat at walang panalong Maharlika Manila noong Oktubre 1 salamat sa goal ni Pika Minegishi. Matatandaan na binugbog ng United City ang Maharlika at Mendiola sa parehong iskor na 5-0 para buksan ang kampanya sa liga sa dalawang panalo agad.
Mabigat na paborito na magwagi muli ang Stallion sa Maharlika tulad ng 2-1 nilang resulta noong Agosto 14. Rumaragasa ngayon ang Stallion matapos ang magkasunod na panalo sa Azkals Development Team, 2-0 at Mendiola, 4-0.
Ang Kaya FC Iloilo ang unang dadalaw sa Cebu ngayong Linggo, Oktubre 9, simula 3:00 ng hapon. Maaga pa lang ay naubos na agad ang tiket para sa makasaysayang laro sa Dynamic Herb-Borromeo Sports Complex sa Talisay City at gagawin ng Gentle Giants ang lahat para masuklian ang suporta ng mga Cebuano at mabawi ang pagiging numero uno sa nag-iisang pambansang liga ng Football.
Mga laro ngayong Sabado 4 p.m. United City vs. Mendiola 1991 (Carmona, Cavite); 4 p.m. Stallion Laguna vs. Maharlika Manila (Binan, Laguna)
Comments