top of page
Search
  • BULGAR

Transmission network ng ABS-CBN, gamitin para sa blended learning!

ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | August 4, 2020


Hinihimok ng inyong lingkod ang gobyerno na tanggapin ang alok ng ABS-CBN para gamitin ang kanilang transmission network at educational programs upang tumulong na maisakatuparan ang blended learning para sa lahat ng mga mag-aaral, lalo na ang mga nakatira sa malalayong lugar na abot ng frequency ng ABS-CBN.


Matatandaang binanggit ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) na ang mga television frequency na naibalik sa pagmamay-ari ng gobyerno ay puwedeng gamitin para sa pagpapatuloy ng pag-aaral ng mga bata sa gitna ng pandemya. Malaki ang maitutulong ng naturang pasilidad ng TV network, lalo na’t mahigit isang milyong mag-aaral ang nais gumamit ng TV para sa kanilang pag-aaral.


Abot ng ABS-CBN ang mahigit 19 milyon sa 21 milyong kabahayan sa buong bansa. Ang ABS-CBN din ang nagpapatakbo ng Knowledge Channel na nakagawa na ng napakaraming learning materials, sa pakikipag-ugnayan sa Department of Education (DepEd), sa loob ng mahabang panahon.


Ayon sa TV network, abot ng Knowledge Channel ang halos walong milyong mag-aaral sa buong bansa. Kalahati na ng most essential learning competencies (MELCs) na kinakailangan para sa pagtuturo ngayong taon ay nagawan na ng TV programs ng Knowledge Channel. Dahil d’yan ay hindi na gaanong mahihirapan pa ang gobyerno sa pag-ere ng mga programang pang-edukasyon sa telebisyon.


Magandang ideya ang alok ng naturang TV network lalo na’t nagbigay na ng direktiba si Pangulong Duterte sa mga ahensiya ng pamahalaan, kabilang na ang DepEd, Department of Science and Technology (DOST) at Department of Information and Communications Technology (DICT) na magdisenyo ng isang programa at magpatupad ng mekanismo para masigurong ang mga frequency na naibalik sa pagmamay-ari ng gobyerno ay tahasang magamit sa pamamagitan ng mga pasilidad ng People’s Television Network (PTV-4).


Umaasa tayong matutugunan ng TV-based educational program ang mga mag-aaral na malaki ang pangangailangan, kabilang sa kanila ang mga may kapansanan at ang mga nasa programa ng Alternative Learning System (ALS) o ang mga nasa malalayong lugar ng bansa.


Naniniwala tayong ang inisyatibong ito ay isang ‘win-win-win’ solution para sa ABS-CBN, sa DepEd at sa ating mga mag-aaral na kailangang magpatuloy ng edukasyon sa panahon ng COVID-19.


 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page