Search
  • BULGAR

Tradisyunal na jeepney, muling aarangkada!

ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | June 26, 2020


Urong-sulong, walang direksiyon at walang huling salita. Ito ang daing ng mga grupo ng pampublikong jeepney sa patuloy na pagbawal sa kanilang pagbiyahe sa kalsada.


Halos tatlong buwan nang hindi makabiyahe ang mga jeepney, kaya tatlong buwan na ring walang kita ang mga tsuper at operator nito. Ngunit dahil kailangan nilang gumawa ng paraan upang kahit papaano ay may perang maiuuwi sa pamilya, marami sa kanila ang namamalimos na lamang sa kalsada.


Matatandaang unang pinayagan ang mga tren at bus na bumiyahe noong sumailalim sa general community quarantine (GCQ) ang Metro Manila. Pero malinaw na hindi sapat ang mga ito upang pagsilbihan ang mga manggagawa na nais makabalik-trabaho.


Kaya ang resulta, marami ang naglakad habang ang iba naman ay napilitang bumili ng bisikleta. Mahirap intindihan ang plano ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) dahil una, pinayagan nito ang mga modernong jeepney na bumiyahe. Pero hindi lahat ng tsuper o operator ay kayang makabili nito, kaya kulang pa rin.


Samantala, ang huling pinayagan nito ay ang mga UV Express sapagkat ang mga pasahero umano nito, lahat ay paharap at hindi magkaharap.


Ngayon, dahil sa halong galit at pagmamakaawa, pinayagan nang bumiyahe ang mga tradisyunal na jeepney sa susunod na linggo. Ngunit, hindi nagbigay ng eksaktong araw para sa kanilang plano.


Malinaw na kailangan natin ang mga tradisyonal na jeepney sapagkat ito ang pangunahing sasakyan ng publiko noon pa man. Pero sa kabila ng mga desisyong ito ay nariyan pa rin ang banta ng COVID-19 kaya kung papayagan na ang mga tardisyonal na jeepney, nasa pasahero na ang pag-iingat.


Kung maaaring huwag punuin ang sasakyan, mas maganda. Balanse ang kailangan dahil lahat tayo ay nais makabalik sa pagtatrabaho upang kumita, malinaw iyon.


Muli, palakasin natin ang ating resistensiya at huwag natin kalimutan ang pagsuot ng facemask at paghuhugas ng mga kamay sapagkat ito pa rin ang pinakaepektibong panlaban natin sa COVID-19

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2020 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.