ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | May 3, 2024
Kinalampag na natin ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at Metro Manila Development Authority (MMDA) hinggil sa kalagayan ng ating mga imprastraktura upang matiyak ang kaligtasan ng ating mga kababayan sa panahon ng La Niña.
Bilang chairman ng Senate Committee on Public Works, kailangang ngayon pa lamang ay matiyak na natin ang magiging sitwasyon ng ating mga kababayan at hindi ‘yung magkukumahog tayo kung nandiyan na ang kalamidad.
The rainy season is fast approaching. And we are wary of the impending La Niña phenomenon that will bring heavier rains than usual. Ngayon ang pinakamagandang panahon para siguruhin na maayos ang lahat ng mga daluyang tubig, at walang bara ang mga drainage.
Dapat ngayon pa lang, pinapanatiling maganda ang mga drainage at iba pang tributaries. Wala dapat mga bara. Kailangang klaro ang mga daluyan ng tubig para maiwasan ang pagbabaha. ‘Yung mga pumping station dapat masiguro na 100% operational.
Noong nakaraang Marso 24, 2024, iniulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA) na sa oras na mapawi ang El Niño ay agad-agad na papalit ang La Niña na mayroon umanong 55% tsansa na ma-develop simula sa darating na Hunyo.
Ngayon pa lang habang ‘di pa masyadong nag-uulan, kumilos na tayo. Gawin na natin lahat ng magagawa natin para masigurong handa tayo kung sakaling dumating man ang sakuna. Take advantage of the current dry season. Hindi ‘yung nandiyan na ‘yung bagyo at saka pa lang magkukumahog kumilos.
Hindi lang ang DPWH at MMDA ang pinaghahanda natin dito, dapat bawat isa sa atin ay maghanda rin lalo na ‘yung mga barangay. Tiyakin nating malinis ang ating kapaligiran upang hindi tayo puro sisi sa oras na dumating na ang malalakas na buhos ng ulan.
Una nating linisin ang mga daluyan ng tubig ulan sa mga lugar na malapit sa mga paaralan dahil marami na ring magulang at mga estudyante ang nagtutungo sa mga iskul dahil sa nag-aasikaso ng mga papeles para sa nalalapit na pagbubukas ng klase.
Maging ang mga batang walang school service ay dapat na turuan ng mga magulang kung ano ang gagawin sakaling mapagitna sa mga sitwasyon na rumaragasa ang baha.
Ganoon din sa mga guro, dapat unahin nilang paalalahanan ang mga mag-aaral kung ano ang dapat na pagkilos sa gitna ng pagbuhos ng malalakas na ulan.
Magandang magkaroon din ng ugnayan ang mga guro sa mga magulang ng mga estudyante upang sakaling dumating ang ganitong sitwasyon ay madali ang kanilang komunikasyon.
Matagal pa naman ang pagbubukas ng klase ngunit dahil sa panahon ng La Niña ay hindi imposibleng tumagal ang tag-ulan at magdulot ng mga pagbaha.
Maging ang ating mga magsasaka ay mabuting nabibigyan ng babala para alam nila kung paano paplanuhin at aasikasuhin ang kanilang mga pananim na posibleng hindi mapakinabangan kapag rumagasa ang malalakas na ulan.
Ipagpasalamat natin at may mga ganitong anunsiyo na ang PAGASA na napakalaking bagay upang makapaghanda ang bawat isa, at kung sa kabila nito ay mapapahamak pa tayo, walang ibang dapat sisihin kundi ang pagbalewala sa mga anunsiyo ng pamahalaan.
Samahan na rin natin ng panalangin na sana ay huwag naman tayong makaranas ng matinding kalamidad, at hindi imposibleng makamit ‘yan kung sinsero tayong magsusumamo sa Maykapal.
Sa tingin ko, kung ang lahat ng ating tinalakay ay sama-sama nating pagtutulungan, magiging maayos ang ating kalagayan habang mapayapa natin itong mairaraos ng walang mapapahamak.
Kaya muli ay binubulabog natin ang DPWH, MMDA, barangay, mga guro at mga magulang at iba pang ahensya ng lokal na pamahalaan na sama-sama tayong maghanda upang walang malagay sa peligro kahit isa.
Galaw-galaw na, magsimula na tayo at ipakita nating natuto na tayo sa mga nagdaan nating karanasan para hindi tayo nagsisisihan.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com
Comments