top of page
Search
  • BULGAR

Therapy sessions ng learners with disabilities, dapat tiyakin sa gitna ng COVID-19

ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | August 11, 2020


Sa nalalapit na opisyal na pagbubukas ng klase, hinihimok natin ang Department of Education (DepEd) na siguruhing ang ating mga learners with disabilities ay patuloy na mabibigyan ng access sa pagpapagamot at serbisyo para sa kanilang rehabilitasyon.


Ang isang mahalagang paraan ay maipadala ang mga speech, physical, occupational therapists at iba pang health care professionals sa tahanan ng mga bata upang hindi maantala at maging mabisa at mabilis ang kanilang therapy sessions. Ngunit siyempre, dapat tiyaking mahigpit at sumusunod ang bawat isa sa mga health at safety protocols tulad ng physical distancing, pagsuot ng face mask, paghuhugas ng mga kamay at iba pang mga alituntunin upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.


Ayon sa datos ng DepEd noong 2018, mayroong 231,631 na bilang ng mga learners with disabilities na naka-enroll sa mga self-contained classes o ‘yung mga hindi kabilang sa regular na set-up ng silid-aralan. Kung ikukumpara natin ito sa enrollment ngayong School Year 2020-2021, base noong Hulyo 15 ay may 51,375 learners with disabilities lamang ang rehistrado.


Ayon sa Save the Children’s “Rapid Survey on the Situation of Children with Disabilities in the Context of COVID-19,” 48 porsyento ng 40,066 indibidwal ang nagsabing hindi sila nakatatanggap ng serbisyo para sa kanilang pangangailangang pang-edukasyon dahil sa pandemyang dulot ng COVID-19.


Dahil din sa pandemya at ngayong muling hinigpitan ang quarantine sa Metro Manila at karatig na mga lugar, kontrolado ang galaw ng mga tao at walang pampublikong transportasyon na maghahatid sa health care professionals sa mga lugar ng mga bata.

Gayunman, inaasahan nating makikipag-ugnayan ang DepEd sa mga local government units (LGUs) para talakayin ang pagbuo ng komprehensibo at kongkretong plano para sa adhikaing ito, halimbawa ng transportasyon ng mga therapists upang maihatid sila sa tahanan ng mga bata.


Bilang Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, naghain ang inyong lingkod ng panukalang Senate Bill No. 171 o ang Inclusive Education for Children and Youth with Special Needs Act. Layon nitong maipalaganap sa buong bansa ang pagpapaabot ng serbisyo at pag-alalay sa ating mga learners with disabilities upang masigurong nabibigyan sila ng dekalidad na edukasyon.


Sa pagpapatuloy ng pagbibigay ng edukasyon para sa kabataang may kapansanan ngayong panahon ng pandemya, mahalaga na patuloy natin silang mabigyan ng mga serbisyong pangkalusugan upang matugunan ang mga hamong kanilang kinahaharap.


 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page