Search
  • BULGAR

Taong tres na suko na sa love life, magkaka-dyowa sa 2021

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| June 29, 2020



Dear Maestro,

Sumangguni ako sa inyo upang ikonsulta ang aking kapalaran. Matagal na akong sumusubaybay sa inyo kaya alam kong ako ay kabilang sa mga sinasabi ninyong “Taong Tres” dahil isinilang ako noong October 12, 1984. Parang tama kayo dahil ang dami ko nang naranasang relasyon, pero hanggang ngayon ay walang tumagal at bigo pa rin akong makahanap ng lalaking makakasama ko habambuhay.


Sa edad kong malapit nang mag-36, makakatagpo pa ba ako ng lalaking mamahalin ako habambuhay? Mayroon pa bang darating na lalaki na makakasama ko sa pagbuo ng masayang pamilya? Kung mayroon, kailan siya darating? Pagod na pagod na ang puso ko na magmahal, kaya puro dasal na lang ang ginagawa ko at baka sakaling maghimala ang Poong Nazareno sa Quiapo na lagi kong pinagnonobenahan.

Umaasa,

Yannie ng Bilog, Alfonso, Cavite

Dear Yannie,

Buti ka pa, napagod umibig at magmahal, pero ‘yung ibang babae ay hindi napapagod kailanman dahil sa tanang buhay nila, ni minsan ay hindi sila natutong umibig dahil hindi sila na-in love kahit kalian.


Sabi nga ng hinahangaan kong makata na si Lord Alfred Tennyson, “It is better to have loved and lost, than never to have loved at all,” kumbaga, mas masarap nang nagmahal ka at nawalan kaysa hindi ka nagmahal o nakaranas umibig kahit kailan.


Kahit na nawala ang minamahal mo at nagtalusira sa iyo, kahit papaano ay may panahon sa iyong buhay na masasabi mong nakaranas kang magmahal.


Ang mahalaga, pagkatapos mong umibig at maiwanan ng iyong minamahal, ang nasabing karanasan ay dapat mag-iwan sa iyo ng aral upang sa susunod na pakikipagrelasyon, ang mga maling nagawa mo noon ay hindi mo na ulitin sa panibagong karelasyon.


Tulad din ng pangkaraniwang skill, kapag paulit-ulit mo itong pina-practice, nagiging mahusay at bihasa ka na sa gawaing ito. Kahit naman sa larong chess, kapag madalas at paulit-ulit kang naglalaro at kahit lagi kang natatalo, magiging magaling at mahusay ka ring chess player.


Sana sa pag-ibig at pakikipagrelasyon ay ganundin, kapag paulit-ulit kang nabigo at lumuha, dapat ay ma-master mo na ito o maging dalubhasa ka na rito. Kapag ganu’n ang nangyari, sa muli mong pakikipagrelasyon ay magtatagumpay ka at habambuhay na magiging maligaya.


Ang problema, sa aktuwal na buhay ay hindi ganu’n ang nangyayari. Sa halip, ang masakit na katotohanan, sa pag-ibig at pakikipagrelasyon ay hindi tulad ng anumang uri ng skills na kapag inulit-ulit ay magiging mahusay ka na sa nasabing laro.


Kapag pag-ibig na ang pag-uusapan, masyadong komplikado at maraming kumbinasyon kaya hindi talaga nama-master o natututunang mabuti ng tao kahit paulit-ulit pa siyang makaranas ng sa kasawian at pagkasipyaho.


Kung nama-master at napa-practice ang tama at mabuting pakikipagrelasyon dahil sa paulit-ulit na kabiguan, wala nang bigo at luhaan sa pag-ibig, higit lalo silang madalas na iniiwanan ng kanilang boyfriend, girlfriend o kanilang asawa.


Subalit sa aktuwal na pangyayari, kabaliktaran pa ang nagaganap. Kung sino ang may pinakamaraming beses na lumuha at nabigo, sa tuwing magtatangkang muling umibig ay ganu’n ulit ang nangyayari.


Ayon sa birthday mong October 12, 1984, upang hindi ka na muling mabigo at lumuha pa, sa susunod na pakikipagrelasyon ay maghanap ka ng mga lalaking ka-compatible mo, sila ang mga lalaking may zodiac sign na Aquarius, Gemini, Aries, Taurus, Virgo at kapwa mo Libra, higit lalo silang may mga birth date na 6, 15, 24, 9, 18, 27, 3, 12, 21, 30, 5, 14 at 23.


Habang, ayon sa iyong Love Calendar, tiyak ang magaganap sa larangan ng pag-ibig at pakikipagrelasyon. Sa 2021 hanggang 2022, may pangako ng maligaya at panghabambuhay na pagmamahalan, sa edad mong 36 pataas hatid ng lalaking isinilang sa zodiac sign na Aquarius, na hindi kagandahang lalaki, pero maskulado ang pangangatawan at may kayumangging balat.

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2020 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.