Search
  • BULGAR

Solusyon sa distance learning, ipatupad!

ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | July 9, 2020


Isang malaking hamon sa bansa ang mas tumitinding pangangailangan sa pagkakaroon ng access sa internet, ngayong tayo ay nasa new normal. Marami pa kasing mga komunidad na walang computer at hindi konektado sa internet.


Dito rin nasusubok ang kakayahan ng mga local government units (LGUs) na maging mapamaraan sa kanilang mga patakaran at pamamahala, lalo na’t inihahanda na ang mga estudyante sa distance learning o blended learning.


Hindi natin isinasantabi ang katotohanang hindi lahat ng LGU ay may access sa internet, lalo na ang mga nasa malalayo, liblib na probinsiya kung saan marami rin ang napaliligiran ng mga matataas na bundok.


Mayroong ilang LGUs na nagpamamahagi ng printed self-learning modules. Mayroon ring nagpapamahagi na ngayon ng mga gadgets at internet load sa mga nasasakupan nilang mag-aaral.


Sa Lungsod ng Valenzuela naman, nagkaroon ng survey at lumabas na Facebook Live ang napiling gamitin para sa pag-aaral ng mga bata ngayong darating na pasukan. Kaya nagpasya ang lokal na pamahalaan na magpamahagi ng smartphones upang magamit sa panonood ng mga aralin sa pamamagitan ng Facebook Live.


Tatakbo na rin ang pagtuturo sa pamamagitan ng radyo at telebisyon.


Sa pagpapatupad ng Learning Continuity Plan (LCP), hinihimok natin ang iba’t ibang LGUs na tulungan ang Department of Education (DepEd) na ipatupad ito nang naaayon sa sitwasyon o kapasidad ng bawat lungsod, munisipalidad o probinsiya. Mahalagang tukuyin at isulong ng mga LGUs ang mga paraan ng pagtuturo na abot-kamay ng mga batang mag-aaral, lalo na sa mga liblib at malalayong lugar.


Ito ay para matiyak na magiging mabisa ang mga paraan ng pagtuturo sa mga estudyante, guro at mga magulang.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2020 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.