Search
  • BULGAR

Sobrang bilis ng panahon, kalahati na agad ang taong 2020

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | July 01, 2020


Parang kailan lang ay nagdiriwang tayo ng pagpasok ng taong 2020, halos lahat ng mga feng shui expert, “feeling expert”, psychic at iba pang may kinalaman sa prediksiyon ay naglabasan sa mga telebisyon at nagbibigay ng mga pahayag hinggil sa kahihinatnan ng ating bansa.


Maraming paliwanag, pananaw at mga haka-haka ngunit tila walang nakatsamba na mananalasa ang COVID-19 sa buong mundo at maraming tao ang masasawi at maraming negosyo ang babagsak.


Sobrang bilis nang paglakad ng panahon at halos hindi natin namamalayan na patapos na pala ang buwan ng Hunyo at nasa kalahati na tayo ng 2020 at lahat ng ‘yan ay hindi natin napansin dahil sa bilis ng makabagong teknolohiya.


Ang pagdagsa ng mga bagong gadgets sa ating buhay at mabilis na pagsulpot ng mga bagong apps sa ating mga cellphone o laptop na nagpadali sa mga sitwasyon na ating ginagalawan.


Ilang minuto lamang ay alam na natin ang mga balita, impormasyon at halos lahat ng sagot sa marami nating katanungan ay madaling matugunan dahil nga sa makabagong teknolohiya na halos lahat ng tao sa mundo ay nakasandal na.


Maging ang ating pamahalaan ay kabi-kabila ang mga proyektong isinasagawa sa ilalim ng programang Build, Build, Build na kung hindi sana nagkaroon ng pandemya ay marami na ang napakikinabangan.


Buwan ng Marso nang unti-unting magbago ang takbo ng ating buhay nang manalasa itong COVID-19 at walang nagawa ang kahit mga naglalakihang bansa kung hindi ang magpatupad ng lockdown sa maraming lugar.


Ngunit ngayon ay tila unti-unti nang dinadahan-dahan ng ating pamahalaan na maibalik sa normal na sitwasyon ang lahat, tulad ng pagbubukas ng mga negosyo at pagsasaayos sa transportasyon sa pag-asang natuto na ang ating mga kababayan na mag-ingat.


Alam naman nating dapang-dapa ang ating bansa dahil sa patuloy na pananatili ng pandemya, ngunit huwag tayong mawalan ng pag-asa dahil pursigido naman ang pamahalaan na muli tayong makabangon.


Sa dinami-rami ng mga magagandang proyekto at programa ng pamahalaan para umunlad ang ating bansa ay hindi malayo na agad tayong makabangon kung ang ating mga kababayan ay susunod at magkakaroon ng disiplina.


Disiplina lang ang tanging paraan sa ngayon para malabanan natin ang COVID-19 upang maibsan na ang nahahawa at ito ay ating pangangatawanan habang naghihintay tayo ng bakuna na magpapahinto sa pagkakahawa-hawa.


Ngayong pabalik na ang maraming lugar sa ating bansa sa dati nating buhay ay hindi malayong marami na ang nag-iisip sa pagpasok ng kapaskuhan na sinisimulang magpatugtog ng Christmas song pagpasok ng buwan ng Septyembre.


Siyempre, lalakas ang kalakalan at papasok ang maraming produkto na magbibigay ng mga pagkakataon sa ating mga kababayan na maghanapbuhay lalo pa’t kilala ang ating bansa na may pinakamahabang pagdiriwang ng kapaskuhan sa buong mundo.


Ang nalalabing mga buwan bago matapos ang taong ito ay kinakakitaan pa rin ng napakaraming pag-asa, lalo pa at inihayag ng Department of Health (DOH) na 300 katao umano ang sumabak na sa clinical trial para sa inihahandang gamot laban sa COVID-19.


Sana ay maging matagumpay ito upang mas masaya na nating mabigkas ang Maligayang Pasko at Manigong Bagong Taon!


Anak ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o

mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2020 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.