Search
  • BULGAR

Sa Balik Probinsya, Bagong Pag-asa (BP2) program, wala nang squatter sa sariling bayan

ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | October 16, 2020



Habang patuloy tayong nagsisikap para malampasan ang krisis na dulot ng COVID-19, kailangan ding ipagpatuloy ang paghahanda para sa pag-implementa ng Balik Probinsya, Bagong Pag-asa (BP2) program.


Kasalukuyang suspendido ang roll-outs ng BP2 dahil sa utos ng Pangulo na unahing matulungan muna ang mga stranded nating kababayan sa pamamagitan ng “Hatid Tulong” initiative.


Kaya naman, patuloy na hinihimok ang BP2 Council na ipagpatuloy ang preparasyon at siguraduhin ang pagkakaroon ng oportunidad para sa trabaho, negosyo at iba pang kabuhayan para sa mga kababayan nating nais bumalik sa kanilang mga probinsiya. Ito ay para agarang mapatupad ang BP2 program kapag nakontrol na ang COVID-19 outbreak sa bansa.


Ang BP2 program ay long-term program ng gobyerno na magbibigay ng pagkakataon sa mga Pilipinong gustong umuwi ng probinsiya para muling makapagsimula. Maraming benepisyo ang makukuha hindi lang ng mga benepisaryo kundi pati ng buong bansa sa pagpapatupad ng BP2.


Una, bagong buhay sa mga Pilipino. Alam nating marami na ang nahihirapan sa Metro Manila dahil masikip na roon. Walang maayos na tirahan, ma-trapik at mataas ang polusyon. Sa BP2, hinahangad nito na bawasan ang populasyon sa Metro Manila. Gusto rin nating bigyan ang mga Pilipino ng maayos na pamamahay — dapat wala nang squatter sa sariling bayan.


Pangalawa, dagdag-oportunidad para sa mga nais magnegosyo at sa mga entrepreneurs at investors. Sa pamamagitan nito, makagagawa tayo ng bagong mga trabaho at pagkakakitaan kahit saan mang parte ng bansa. Kapag meron nito sa mga probinsiya, hindi na nila nanaisin pang pumunta ng Maynila.


Higit sa lahat, gusto nating lumago ang industriya, at maiangat ang kabuhayan at estado ng buhay sa mga probinsiya. Kapag sabay-sabay ang pag-angat ng bawat probinsiya, siguradong patuloy ang pag-angat ng buong bansa.


Kaya naman puspusan ang panawagan sa BP2 Council at mga ahensiya ng gobyerno na may kinalaman sa programang ito na paigtingin pa ang paghahanda para dito. Malapit na malampasan ang krisis dahil bukod sa bumababa na ang mga kaso ng COVID-19 sa bansa, hinahanda na rin ang pagkuha ng vaccine kapag nilabas na ito. Uunahin ang mga mahihirap at pinaka-nangangailangan kapag may available nang vaccine kontra COVID-19.


Maraming paghahandang ginagawa ng gobyerno para sa ‘new normal’. Dapat lamang na sumabay na rin ang BP2 sa mga paghahandang ito. Para ito mabigyan ng bagong pag-asa ang bawat Pilipino.


Huwag tayong mawalan ng pag-asa dahil mayroong gobyernong handang tumulong. Magbayanihan at magmalasakit sa kapwa. Sa pamamagitan ng BP2, mabibigyan natin ng bagong pag-asa ang ating mga kababayan ng mas maayos, masagana at komportableng buhay pagkatapos ng krisis na ito.

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2020 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.