Search
  • BULGAR

Run for frontliners ang virtual edition ng takbo para sa kalikasan

ni Anthony Servinio - @Sports | June 26, 2020




Tuloy pa rin ang hinihintay na Takbo Para Sa Kalikasan 2020 subalit ang serye ay magiging mga virtual na karera. Maari pa ring ipakita ang suporta at pagmamahal sa Inang Kalikasan sa paglahok sa apat na patakbo – Fire Run, Water Run, Air Run at Earth Run.


Bumisita lang sa Facebook page ng Takbo Para Sa Kalikasan upang magpalista mula Hulyo 1 hanggang Setyembre 30 o bago magkaubusan. May diskwento kung lalahok sa lahat ng apat na karera at bahagi ng malilikom na pondo ay mapupunta sa mga magiting na frontliner sa laban kontra COVID-19.


Pareho pa rin ang tampok na distansya sa bawat yugto: 16 kilometro sa Fire Run, 18 sa Water Run, 21 sa Air Run at 25 sa Earth Run. Maaari na tumakbo mula Oktubre 1 hanggang Nobyembre 30, 2020 gamit ang treadmill, relos o cellphone na may GPS na magrerekord ng personal na oras.


Puwedeng tapusin ang takdang distansya sa loob ng isang araw o puwede rin sa magkakahiwalay na araw hanggang mabuo ito. Ipadala ang resulta at mga hinihinging impormasyon sa greenmediaeventscompany@gmail.com at ihahatid agad ang race kit mula Disyembre 1 hanggang 31, 2020.


Makatatanggap ng espesyal na dagdag na t-shirt at face mask ang lahat ng makakabuo ng apat na yugto. Lahat ng yugto ay may sariling singlet, finisher t-shirt, face mask at medalya.


Ang unang yugto ng serye, ang Fire Run, ay dapat naganap noong Mayo 31 sa Cultural Center of the Philippines. Subalit dahil hindi pa pumapayag ang pamahalaan sa malakihang pagtitipon, nagpasya ang organizer ng Green Media Events na baguhin ang buong kalendaryo.


Nakatakdang bumalik ang serye sa kalsada sa 2021 sa mga sumusunod na petsa: Fire Run (Mayo 9), Water Run (Hulyo 18), Air Run (Setyembre 19) at Earth Run (Nobyembre 21). Habang naghihintay, hinihimok ng Green Media ang lahat na magtulungan na panatilihin ang kalinisan ng pamayanan at magtanim ng punongkahoy sa mga bakuran.

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2020 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.