top of page
Search
  • BULGAR

Pustahan na! Miami Heat vs. L.A. Lakers sa finals

ni MC - @Sports | September 29, 2020



Nakasampa na sa NBA finals ang Miami Heat upang makaharap si LeBron James ng Los Angeles Lakers makaraang gapiin sa Game 6 ang Boston Celtics, 125-113 sa Eastern Conference Finals, kahapon.


Nanguna sa panalo ng Heat sina Bam Adebayo na kumamada ng 32 puntos, Jimmy Butler, 22 at Tyler Herro ng 19 puntos.


Nagsasalitan lang ng pag-swak sa basket ang Heat at Boston mula sa unang peryodo at sa kalahatian ng 4th quarter pero sa pagtigatik ng huling 5 minuto ng regulasyon ay agad na bumanat sina Adebayo at Tyler upang tuluyan nang iwanan ang Celtics.


Hindi na makaporma pa ang Celtics sa pagpasok pa ang huling 2 minuto ng laro makaraan silang tambakan na umabot sa 12 puntos ng Heat dahil puro sumasablay na ang ibinabato nilang 3 puntos.


Nabalewala ang pagsisikap nina Jason Tatum at Jaylen Brown para sana isampa pa ang laro sa Game 7 dahil sa napakahigpit ng depensa na inilatag ng Heat bukod pa sa malakas na opensa ng tropa.


Naramdaman din ng Heat na nagbubuo ng malaking adjustment ang Heat upang mapaghandaan sila sa Game 6 dahil naiba ang players na ginamit ni Filipino-American coach Erik Spoelstra sa laban.


Sa panayam matapos ang laro, hindi sinagot ni Spoelstra ang tanong ng reporters kung ano ang saloobin niya at nakatakdang harapin ng Heat si NBA star LeBron, pero sabi niya, bukas nila pag-iisipang mabuti ang gagawing strategy sa laban pero sa ngayon ay mahalagang nagsasaya sila at nakuha nila ang kampeonato sa Eastern Conference tulad din ng kampeonatong nakuha ng Lakers sa Western Conference.


Ikinagalak naman ni LeBron na muli niyang makikita ang kanyang dating coach na si Spoelstra at iba pang teammates dati sa Heat dahil sa pareho silang magsasagupa sa Finals.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page