Search
  • BULGAR

Pramis sa stranded OFWs na pauuwiin, ‘wag biguin!

ni Ryan Sison - @Boses | June 27, 2020



Tuloy pa rin ang kalbaryo ng mga stranded overseas Filipino workers (OFWs) sa bansang pinagtatrabahuhan.


Bagama’t marami nang nakauwi sa bansa, marami pa ring umaasang matutulungang makauwi at makasama ang kani-kanilang pamilya.


Kamakailan, naglabasan sa social media ang video ng mga OFW na napipilitang maghalungkat ng makakain sa basurahan, seafarers na stranded sa China na umiinom ng tubig-dagat at 50 stranded OFWs sa Saudi Arabia na wala nang choice kundi magbenta ng kanilang dugo upang maitawid ang kanilang gutom sa araw-araw.


Mahigit tatlong buwan na silang stranded sa isang gusali matapos mawalan ng trabaho nang magsara ang pinapasukan nilang restoran dahil sa COVID-19 pandemic.


Dahil no work no pay, napipilitan silang ibenta ang dugo sa halagang 500 Riyal o tinatayang P6, 600 at halos lahat sa kanila ay may mga sahod na hindi pa naibibigay ng kumpanya.


Batay sa tala ng Department of Foreign Affairs (DFA), ang mga naturang OFWs sa Saudi Arabia ay kabilang sa 167,626 na OFWs na stranded sa buong mundo at kailangan nang mapauwi.


Sa Saudi Arabia, aabot sa 88,000 ang stranded habang 50,000 sa United Arab Emirates (UAE).


Bagama’t, aminado ang DFA na hindi basta-bastang mapupuntahan ng kanilang mga tauhan ang mga kababayan dahil sa mga umiiral na protocols at restrictions, sisikapin nilang mapauwi ang mga stranded OFWs sa loob ng dalawa hanggang tatlong buwan.


Nakakalungkot pero ito talaga ang sitwasyon ng ilan nating kababayan ngayon. Tipong may banta na ng pandemya, kalaban pa ang gutom at pagkawalay sa pamilya.


Makinabang din sana sila sa mga programang inilatag ng pamahalaan dahil sila ‘yung mga wala talagang magawa kundi maghintay ng tulong ng gobyerno. Kaya panawagan sa pamahalaan, ‘wag silang biguin. ‘Wag puro pramis!


Sila ang itinuturing nating “modern heroes”, pero sa pagkakataong ito, sila ang may kailangan ng saklolo. Wakasan natin ang kanilang paghihirap

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2020 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.