Plataporma para sa maayos na daloy at kaligtasan sa kalsada... Sarah Discaya: Modernisasyon ng traffic system at imprastruktura
- BULGAR
- Apr 24
- 2 min read
ni Chit Luna @News | Apr. 24, 2025
Pasig City – Sa gitna ng patuloy na pagsisikip ng mga pangunahing lansangan sa Pasig, inilalatag ni Sarah Discaya ang modernisasyon ng traffic system at imprastruktura bilang sentro ng kanyang plataporma.
Para kay Ate Sarah, mahalagang tugunan ang lumalalang suliranin sa trapiko upang mapabuti ang kalidad ng buhay at mapanatili ang kaayusan sa lungsod.
Ilan sa mga proyektong planong ipatupad ay ang pag-install ng sensor-based traffic system, pagpapalawak at rehabilitasyon ng mga kalsada, pagtatayo ng vertical parking at pagbuo ng alternatibong ruta upang maiwasan ang bottleneck sa mga kritikal na daanan.
Kasama rin dito ang pagtatayo ng modern command control, traffic system at response teams na gagamit ng real-time data.
Sa pamamagitan ng integrasyon ng smart systems, inaasahang magkakaroon ng mas episyente at sistematikong transportasyon, partikular tuwing rush hour.
Hindi rin nawawala sa kanyang plano ang pagpapabuti ng transport infrastructure para sa kaligtasan ng lahat. Kabilang dito ang maayos na pedestrian at bike lanes, pati na rin ang pagsasaayos ng drainage system upang maiwasan ang pagbaha na madalas ding nagiging sanhi ng mabagal na daloy ng trapiko.
Isinusulong din ni Ate Sarah ang kapakanan ng maliliit na sektor gaya ng Tricycle Operators and Drivers Association (TODA).
Kabilang sa kanyang mga adbokasiya ang pagbibigay ng mga pagsasanay, benepisyong pangkabuhayan, at modernisasyon ng mga sasakyang ginagamit sa pampasaherong transportasyon.
Para kay Ate Sarah, ang tunay na pag-unlad ay nakasalalay hindi lamang sa mga gusali at kalsada, kundi sa pagsasama-sama ng teknolohiya, tapat na serbisyo, at malasakit sa bawat Pasigueño.
Para kay Ate Sarah, ang modernisasyon ng lungsod ay hindi pangarap lamang, kundi isang planong konkretong maisasakatuparan sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos.
Comments