top of page
Search
  • BULGAR

Pinaamin ni Hyubs, buking… ZANJOE, TYPE DYOWAIN SI IVANA

ni Reggee Bonoan - @Sheet Matters | September 29, 2020




Ipinagagawa ni Zanjoe Marudo ang bahay nila sa Batangas kaya kailangan niyang magtrabaho para may panggastos siya.


Isa ito sa mga dahilang ibinigay ng aktor nang tanungin sa virtual presscon ng Walang Hanggang Paalam kung hindi ba siya nagdalawang-isip na tanggapin ang proyekto sa kabila ng Covid-19 pandemic.


“Nakapag-shoot na kami bago pa ‘yung pandemic, so dumating ‘tong pandemic, nag-lockdown, so hindi natin alam kung matutuloy pa ba o hindi, hanggang sa tumawag sila (Dreamscape) na ‘yun nga, magsu-shoot kami and kami ang magde-decide," pahayag ng aktor.


At dahil kasagsagan nga ng pandemya, binigyan ng Dreamscape ang mga artista nila ng options to choose kung tatanggapin o hindi ang WHP.


Kuwento ni Zanjoe, medyo nag-isip siya at nag-antay ng sign dahil delikado nga ang sitwasyon, at nang dumating ang mga construction workers sa bahay niya, 'yun na raw ang sign na kailangan niyang magtrabaho.


Ang main reason din kung bakit tinanggap niya ang WHP bago pa nag-pandemic ay dahil nagustuhan niya ang karakter na unang beses niyang gagampanan.


Samantala, sinilip namin ang vlog ni Zanjoe tungkol sa sinasabing bahay na ipinagagawa niya sa Batangas. Ala eh, kalaki pala ng compound ng bahay nina Zanjoe dahil hindi pa niya ipinakita ang mismong bahay kundi ang buong paligid lang kung saan napakaraming puno ng mangga at kung anu-ano pa.


Dumating ang kakilalang gagawa ng poste na lalagyan ng tolda.


"Mayroon po kaming ilalagay na mga poste rito, haharangan po namin, lalagyan namin ng tolda kasi may nagtatanim ng tubo roon sa kabila. In the future, susunugin po nila ‘yun, eh, pupunta po rito ‘yung hangin, eh, baka ‘yung mga nasunog na tubo, eh, pumunta po rito sa bahay at saka sa pool,” kuwento ng aktor.


At naroon din ang komedyanteng si Hyubs Azarcon na mahigit isang dekada nang kaibigan ni Zanjoe na nakasama niya sa mga programang Kusina Kings (2018) at My Dear Heart (2017).


May bitbit na mga palochina wood si Hyubs dahil papatungan nila ng kahoy ang biniling crate na gagawin nilang lamesa sa labas ng bahay at ang ganda nang matapos dahil puwede na silang mag-picnic sa ilalim ng mga puno.


May portion ding Hyubs and Zanjoe talk show na nagkukuwentuhan sila habang umiinom bago matulog na may titulong LMAO o laughing my ass off.


Na-curious kami sa mga pangalan ng babaeng nakasama ni Zanjoe sa serye o pelikula na binanggit ni Hyubs para sa segment niyang Jojowain o Totropahin.


Sabi ni Hyubs, "Magsasabi ako (ng pangalan) pero hindi ka magsasalita, kindat o taas-kilay lang sagot mo," na sinang-ayunan naman ng binatang aktor.


Unang binanggit ang pangalan ni Lovi Poe na nakasama ni Zanjoe sa iWant digital movie na Malaya mula sa Dreamscape Digital at idinirek ni Connie Macatuno. Kindat sa kaliwang mata ang sagot ng aktor.


Ikalawa si Maja Salvador na nakasama niya sa To Love Some Buddy, kindat din sa kaliwa ang sagot ni Z.


Ikatlo ay si AA o Cristine Reyes sa pelikulang Bromance, nag-blink ang dalawang mata ng binata.


“Bakit blink lang? Kindat mo dalawang mata?” tanong ni Hyubs. “Dalawang mata naman, mabilis lang,” tumawang sagot ni Zanjoe.


“Si Bela (Padilla)?” ang ikaapat na tanong ni Hyubs.


Nakasama ni Zanjoe si Bela sa teleseryeng My Dear Heart. Kindat at taas-kilay ang sagot ng aktor. Ano kaya ang ibig sabihin nu'n?


Binanggit din ang pangalan ni Kaye Abad bilang pang-limang nakasama ng aktor sa Annaliza at kindat sa kanang mata ang sagot ng aktor.


Hirit ni Hyubs, “Pina-follow mo sa IG, hmmm, kindat sa kanang mata, parang may pinanghihinayangan, ah?” na ikinatawa nang husto ni Zanjoe.


“Si Gretchen Ho, pina-follow mo,” tanong ni Hyubs.


“Gretchen Ho, magalang ‘yun,” sabi ni Z sabay bow, tanda na iginagalang niya ang ex-girlfriend ni Robi Domingo.


“Eh, si Ivana Alawi, sikat na sikat ngayon ‘yan, YouTuber,” tanong ni Hyubs.


Mukhang may ibang sagot si Zanjoe dahil tinakpan niya ng kamay ang mga mata, sabay tawa ni Hyubs. Pero ang sagot ng aktor ay kindat sa kanang mata.


Kapag kindat pala sa kanang mata ang sagot ni Zanjoe, meaning jojowain, pero kapag kindat sa kaliwang mata at taas-kilay ay totropahin. Base 'yun sa reaksiyon ni Hyubs dahil kilala niya ang kaibigan kung ano ang gusto nito sa babae.


Going back sa teleseryeng Walang Hanggang Paalam ay nagsimula na itong umere kagabi, 9:20 PM sa cable at satellite TV via Kapamilya Channel (SKY Channel 8 on SD and Channel 167 on HD, Cablelink Channel 8, G Sat Direct TV Channel 22, and most cable operator- members under Philippine Cable and Telecommunications Association).


Puwede rin itong mapanood sa Kapamilya Online live streaming daily sa ABS-CBN Entertainment’s YouTube channel at Facebook page, iWantTFC app (iOs and Android) and on iwanttfc.com at Filipino Channel.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page