top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

PhilHealth coverage para sa may sakit sa pag-iisip

Writer: BULGAR
BULGAR
Apr 26, 2023
2 min read

ni Ryan Sison @Boses | April 26, 2023


Itinaas sa Senado ni Sen. Mark Villar ang panukala na palawakin ang PhilHealth coverage sa pamamagitan ng pagdaragdag ng mental health package.


Inakda ni Sen. Mark Villar ang Senate Bill No. 2062 o An Act Expanding PhilHealth Coverage to Include Benefit Package to All Mental Health Disorders. Layunin ng panukala na magbigay ng benefit package para sa mga may mental health disorders na naglalaman ng emergency services, psychiatric at neurological services, at mental health gap action program.


Ang mga non-PhilHealth member na magulang at may menor-de-edad na anak na nakakaranas ng mental health disorder ay maaaring maka-avail ng package kung maisasabatas ang panukala.


Bukod sa ibibigay na tulong-pinansyal, dapat ding magkaroon ng matatag na pagpapakalat ng impormasyon tungkol sa mga mental health disorders, mga programa ng gobyerno na magsasama ng libreng konsultasyon at gamot, at upang alisin ang stigma na nauugnay sa mga problema ng mental health.


Kabilang sa iba pang mga bagay, mahalagang tiyakin na ang mga nakakaranas nito ay magkaroon ng suporta mula sa kanilang mga pamilya at komunidad upang makapagtatag ng ‘mental health friendly environment’ sa bawat tahanan at iba pang mga lugar.


Kung sakaling maisabatas ito, malaking tulong para sa karamihan, lalo na’t may kamahalan ang gamutan sa mental health problems.


Nakasaklaw dito ang isyu ng stigma at diskriminasyon kaya marami ang natatakot na humingi ng tulong sa kadahilan na natatakot silang mahusgahan.


Talagang mahalaga ang suporta ng pamilya dahil sila ang kauna-unahang makakaintindi sa atin.


Nakakatuwa at mayroong gobyerno na nagmamalasakit sa mga taong nakakaranas ng mental health disorders.


Magkaroon na sana ng lakas ng loob ang mga taong may problema sa mental health at huwag matakot na humingi ng tulong dahil mayroong gobyerno na nagmamalasakit sa atin.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page