Search
  • BULGAR

Pekeng contact tracer, kumakalat

ni Ryan Sison - @Boses | August 1, 2020



Isa sa mabisang paraan para mapabagal ang pagkalat ng COVID-19 ay ang mabilis na contact tracing.


Sa ngayon, nagpakalat ng 69,000 contact tracers sa buong bansa ang Department of the Interior and Local Government (DILG), kaya naman mahigpit na hinihikayat ang publiko na makipag-ugnayan sa mga ito.


Sa panahon ngayong lalo pang tumataas ang bilang ng COVID-19 sa bansa, dapat lang na makiisa ang publiko sa mga hakbang ng gobyerno.


Pero paano kung ang ginagawa ng pamahalaan ay ginagamit na para sa kalokohan?

Kaugnay nito, nagbabala ang DILG sa publiko laban sa mga nagpapanggap na miyembro ng contact tracing teams upang makapanloko sa pamamagitan ng paniningil ng bayad para sa COVID-19 test kits.


Kamakailan, nakatanggap ng ulat ang kagawaran mula sa DILG Region III na may nagpapanggap na miyembro ng contact tracing team at sasabihin sa biktimang may close contact ito sa COVID-19 patient.


Ang siste, ipipilit umano ng mga ito na masuri ang biktima sa susunod na 72-oras at hihingi ng address para mai-deliver ang umano’y testing kits.


Nilinaw ng DILG na ang lehitimong contact tracing teams ay hindi nanghihingi ng pera dahil ang tanging trabaho ng mga ito ay tuntunin at i-manage ang close contacts, bawasan ang pagkalat ng impeksiyon at mag-alok ng diagnostic, counseling at treatment sa confirmed COVID-19 cases.


Nakadidismaya dahil muli na namang ginamit ang pandemya para makapanlamang sa kapwa.


Kayong mga nambibiktima, mahiya naman kayo! Dinudungisan n’yo na ang imahe ng mga totoong contact tracers, panira pa kayo sa diskarte ng gobyerno.


Gamitin n’yo ang pagiging madiskarte sa tamang paraan, hindi sa panlalamang.


Panawagan sa mga kinauukulan, aksiyunan ang naturang modus ng mga kawatan.


Hindi natin alam kung saan pa umaatake ang mga ito at kung ilan na ang kanilang mga nabiktima.


At tayo namang publiko, ‘wag basta maniwala sa mga nakakausap. Higit na maging alerto at humingi ng katibayan na totoong nasa contact tracing team ang inyong kausap.


Hindi lang tayo sa virus dapat mag-ingat kundi pati sa mga kawatan na gumagala at nakapanlalamang nang walang kahirap-hirap.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2020 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.