Search
  • BULGAR

Panibagong pandemic victory kay Tokyo Olympics-bound Obiena

ni Gerard Arce - @Sports | September 13, 2020




Hindi sagabal ang panahon ng coronavirus pandemic sa patuloy na paghakot ni 2020 Tokyo Olympics-bound Ernest “EJ” Obiena ng medalya kasunod ng panibagong bronze medal sa Poznan Athletics Grand Prix sa Poland, Sabado ng umaga.


Matapos ang makasaysayang pagbulsa ng kauna-unahang gintong medalya ngayong taon sa katatapos lang na 2020 Ostrava Golden Spike, Martes sa Czech Republic; rumehistro ang 24-anyos na 2019 Southeast Asian Games champion ng 5.52-meters sa kanyang ikalawang pagsubok upang tumabla kay Matt Ludwig ng U.S.


Napagwagian ni hometown pole vaulter World No. 3 Piotr Lisek ang gintong medalya sa pagtalon nito ng klarong 5.72-meters, habang nakamit ng kababayan nitong si World No. 28th Robert Sobrera ang silver medal sa parehong 5.52-meters, na matagumpay na nakuha ito sa unang attempt pa lang.


Mas mababa ng 0.22-meters ang naging talon ng World No. 16 na si Obiena kasunod ng 5.74-meters gold medal performance nito para talunin sina Rio Games silver medalist Renaud Lavillenie ng France, dating two-time world champion at Rio Broze medalist Sam Kendricks ng America at 2016 Games champion Thiago Braz da Silva ng Brazil.


Nakamit din ng dating University of Santo Tomas student-athlete ang silver medal finish sa virtual-online competition na “Who is the Finest Pole Vaulter in the World” kay Braz.


Nakuha rin ni Obiena ang bronze medal sa prestihiyosong 2020 IAAF Diamond League sa Monaco noong nakaraang buwan ng Agosto para maging kauna-unahang Filipino na magwagi sa prestihiyosong kumpetisyon. Naibulsa rin nito ang silver medal sa 13th Triveneto International Meeting sa Giuseppe Grezar Stadium, Trieste, Italy sa parehong buwan.


Naghahanda ang Filipino pole vaulter para sa 2020 Summer Games sa Tokyo, Japan sa susunod na taon, na siyang naging kauna-unahang Pinoy na nagkwalipika para sa 2020 quadrennial meet kasunod ng pagkuha nito ng Olympic mark na 5.81-m sa 2019 Salto Con L’Asta Piazza Chiari meeting sa Chiara, Italy.

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2020 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.