top of page
Search
  • BULGAR

Pandemic Champion: Tadej Pogacar bumanat sa 2020 Tour de France

ni Anthony Servinio - @Sports | September 21, 2020




Ginulat ni Tadej Pogacar ng Slovenia at UAE Team Emirates matapos agawin ang pangkalahatang liderato ng 2020 Tour de France sa kababayang si Primoz Roglic ng Jumbo Vista sa ika-20 yugto, ang 36.2 kilometrong Individual Time Trial mula Lure papuntang La Planche de Belles Filles, Linggo ng madaling araw sa Pilipinas. Kailangan na lang tapusin ng maayos ng 21-anyos na siklista ang huling yugto, ang 122 kilometrong padyak mula Mante La Jolie at magwawakas sa Champs Elysees sa Paris, upang mauwi ang kampeonato ng makasaysayang karera.


Lamang si Roglic ng 57 segundo kay Pogacar bago magsimula ang araw. Subalit humarurot si Pogacar sa oras na 55:55 at nanuod habang nagtapos si Roglic sa ika-limang pwesto sa 57:41, sapat para mabura ang lamang.


Masaklap ang resulta para kay Roglic na hawak ang liderato buhat pa noong ika-siyam na yugto. Sina Julian Alaphilippe ng Pransiya at Adam Yates ng Gran Britanya ang namuno sa mga unang yugto ng karera na nagsimula noong Agosto 29.


Ito ang pangatlong yugto na pinagwagian ni Pogacar ngayong taon at lahat na ito ay puro mga akyatan sa bundok. Nauna na siyang nanalo sa ika-siyam na yugto, 153 kilometro mula Pau papuntang Laruns, at ang ika-15 yugto na 174.5 kilometro mula Lyon hanggang Grand Colombier.


Maliban sa dilaw na jersey na simbolo ng liderato, mauuwi rin ni Pogacar ang polka dot jersey para sa King of the Mountain at puting jersey bilang Best Young Rider para sa mga edad 25 pababa. Si Sam Bennett ng Ireland at Deceuninck Quick Step ang panalo ng luntiang jersey para sa Sprint Points habang ang Movistar ang wagi sa Team Championship.


Ang Tour de France ay dapat nagsimula noong Hunyo subalit linipat ito sa gitna ng pandemya ng COVID-19. Matapos ang matagumpay na karera, aabangan na ang iba pang mga malalaking karerang Giro d’Italia mula Oktubre 3 hanggang 25 at Vuelta sa Espana mula Oktubre 20 hanggang Nobyembre.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page