Search
  • BULGAR

Pagsisikap at sakripisyo ng ‘Pinas, ‘wag sayangin; pagtanggap ng dayuhang turista, ‘wag muna!

ni Ryan Sison - @Boses | June 28, 2020



Para maibangon ang turismo sa Pilipinas, plano ng Department of Tourism (DOT) na payagan ang mga foreign tourists mula sa mga bansang walang kaso ng COVID-19 na pumunta sa tourist destinations sa Pilipinas.


Paliwanag ng DOT, puwedeng lumipad ang mga turista diretso sa tourist destination. Halimbawa umano ng Bohol at Boracay dahil ang nasabing mga tourist spot ay may sariling international airports, gayundin ang may mababang kaso ng COVID-19.


Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, sa ngayon ay hindi pa ikinokonsidera ng bansa ang travel bubbles sa pagitan ng mga miyembro ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).


Samantala, sa mga lugar na nasa modified general community quarantine (MGCQ), pinapayagan ang tourism activities, pero nasa 50% lang ng kapasidad, gayundin, limitado sa domestic travel ang turismo.


Matatandaang, 60% ng kita ng turismo mula Enero hanggang Mayo ang nawala dahil sa lockdown measures at mahigpit na travel restrictions sa Pilipinas at buong mundo.

Bagama’t mahalagang maibangon ang turismo habang nilalabanan ang pandemya, gaano tayo kasigurado na talagang makabubuti ito sa bansa at hindi pagmumulan ng panibagong problema?


Hanggang ngayon nga, hirap tayong mapauwi ang libu-libong stranded OFWs sa iba’t ibang bansa, gayundin, pagdating nila rito ay inabot sila ng ilang buwan sa quarantine facilities bago nakauwi sa pamilya, pero pagdating sa mga dayuhan, tanggap lang tayo nang tanggap?


Hindi porke epektibo ito sa ibang bansa ay makabubuti rin ito sa atin.


Kung sakaling tumaas pa lalo ang kaso ng COVID-19 dito dahil sa pagpasok ng turista, handa ba tayo?


Panawagan sa kinauukulan, pag-isipang mabuti ang bawat hakbang na gagawin. ‘Wag nating hayaang masayang lahat ng pagsisikap at sakripisyo natin dahil sa isang pagkakamali lang.


Hindi natin maiialis ang pangamba dahil araw-araw, lalong dumarami ang tinatamaan ng virus, gayundin, ang hindi pagpapatupad agad ng travel ban ang sinisisi sa biglang pagdami ng positibo sa bansa.


Hangad din nating makabangon ang turismo, pero ‘wag nating madaliin.


Sa panahon ngayon, dapat nating maging prayoridad ang ating mga kababayan at hindi ang mga dayuhan.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2020 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.