Search
  • BULGAR

Pagpapatupad ng Anti-Terrorism Act, gawing patas para walang problema!

ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | July 7, 2020


Ipinatupad na ang bagong security law sa Hong Kong na ilang buwan nang tinututulan sa pamamagitan ng mga kilos-protesta na nagsimula bago pa magkaroon ng mga lockdown. Pero naging matigas ang gobyerno sa Beijing. Nagtalaga sila ng matinding kaalyado na siyang magiging pinuno ng security agency.


Dahil dito, binura ng ibang taga-Hong Kong ang kanilang social media history na maaaring magamit para sila ay mahuli. May ilang aktibista ang diumano’y umalis at hindi na muna babalik sa Hong Kong para sa kanilang seguridad — paniguradong target ang mga ito ng bagong batas. Kaugnay nito, nagbigay ang UK sa tatlong milyong dolyares sa mga taga-Hong Kong na manirahan na doon kasunod ng pagpapatupad ng bagong batas.


Samantala, sa atin sa ‘Pinas, kamakailan ay nilagdaan na rin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kontrobersiyal na Anti-Terrorism Act of 2020. At ang unang kilos ng Anti-Terrorism Council (ATC) ay gumawa ng listahan ng mga kilalang terorista na nasa listahan ng United Nations Security Council. Pero hindi lang sa UN ang pagmumulan ng mga pangalan at grupo. Pag-aaralan na ang implementing rules and regulations ng bagong batas.


Ang mga miyembro ng ATC ay ang mga kalihim ng iba’t ibang sangay ng gobyerno tulad ng Department of National Defense (DND), Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Foreign Affairs (DFA), Department of Justice (DOJ), Department of Information and Communications Technology (DICT), Department of Finance (DOF) at Anti-Money Laundering Council (AMLC).


Gayunman, magpapatuloy pa rin ang pagtutol, pero sa Korte Suprema na dadalhin ang pagkuwestiyon sa ibang bahagi ng nasabing batas. Marami ang nagpahayag ng pangamba na madaling maakusahan ng ATC na terorista ang isang tao o grupo kung saan walang kalaban-laban na maaaresto at makukulong ng tatlo hanggang 14 na araw.


Maging ang social media ay sisilipin ng gobyerno kung sangkot sa mga pagkilos laban sa gobyerno ang pinaghihinalaan nilang indibidwal o grupo. Ilang beses namang nagbibigay ng katiyakan ang administrasyon na hindi maaabuso ang nasabing batas at hindi pipigilin ang mga maayos na protesta at pagsita sa gobyerno.


Siguro ang masasabi natin ang pinagkaiba ng mga batas ng Hong Kong at Pilipinas ay halos nawawala na ang demokrasya sa Hong Kong. Ito ang pakiramdam ng marami lalo na sa itinalaga ng Beijing na mamuno sa bagong batas. Hindi rin daw sumunod ang Beijing sa kasunduan na hindi makikialam sa Hong Kong noong ibinalik sa China. Ano naman kaya ang magiging kabuuang epekto ng Anti-Terrorism Act of 2020 sa mamamayan? Magiging mas maingat na rin ba tayo sa social media dahil baka ituro lang sa ATC at mabintangang terorista? Umaasa tayo na patas ang batas at hindi maaabuso, lalo na ng mga awtoridad.

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2020 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.