Search
  • BULGAR

Pagpapatayo ng cell sites sa mga pampublikong paaralan, inuudyok

Updated: Jun 23

ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | June 18, 2020


Isang mungkahi natin ngayon sa ilalim ng ating pamumuno ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture ay ang pagpapatayo ng cell site sa bawat pampublikong paaralan.

Batay sa pinakahuling datos, mayroong 42,046 na mga barangay sa bansa at 47,000 naman na public schools sa buong bansa.

Dalawang bagay ang matatamo natin dito. Kung bawat barangay ay may pampublikong paaralan, maaaring patayuan ng telecommunications companies ng cell site at Wi-Fi-based station ang bawat elementarya. Hagip na natin ang buong Pilipinas dahil buong barangay ay makakabitan ng cell site.

Makakatulong din ang panukalang ito upang pabilisin ang paglalagay ng libreng Wi-Fi hotspots sa iba’t iba pang mga pampublikong lugar sa bansa. Higit na nangangailangang magkaroon ng internet sa gitna ng COVID-19 pandemic ay ang mga paaralan upang maipagpatuloy ang edukasyon ng mga mag-aaral.

Base sa datos ng DepEd, halos 58 porsiyento ng mga elementarya, 80 porsiyento ng mga junior high school at 72 porsiyento ng mga senior high schools ang konektado sa internet.

Batay naman sa datos ng Project Bandwidth and Signal Statistics o BASS, 44 porsiyento o 20, 398 public schools ang may layong anim na kilometro o higit pa mula sa pinakamalapit na cell site. Ibig sabihin, mahina o walang internet na umaabot sa mga paaralang ito. Upang maging maayos ang signal ng internet sa paaralan, dapat hindi ito lalayo ng mahigit tatlong kilometro mula sa cell site.

Kaya inuudyok natin ang mga telcos na gamitin ang lupa ng mga pampublikong paaralan para patayuan ng cell sites.

Kung mayroon sana tayong sapat na imprastruktura, hindi magiging problema ang pagtuturo sa mga estudyante, lalo na ngayong kailangan nilang sumailalim sa tinatawag na distance learning.

Kahit wala nang COVID-19, mahalaga ring pagsikapan nating maabot ang bawat isang kabahayan gamit ang internet at mabigyan natin ang mga bata ng kagamitan at gadgets upang kanilang magamit sa pag-aaral.

Kamakailan lang ay inihain natin ang Senate Resolution No. 392 upang suriin ang pagpapatupad ng Republic Act No. 10929 o ang Free Internet Access in Public Places Act.


Layunin nitong alamin ang saklaw ng pagpapatupad ng naturang batas sa mga pampublikong paaralan, Alternative Learning System o ALS centers, state universities and colleges o SUCs, Technical Education and Skills Development Authority o TESDA at mga community learning centers.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2020 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.