Search
  • BULGAR

Pagkamatay ng mga big time inmates sa COVID-19, kuwentong-barbero o totoo?

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | July 29, 2020


Nakakuha na naman ng magandang materyales ang grupo ng mga mamamahayag at ilan nating kababayan para pag-usapan at maglabas ng kung anu-anong espikulasyon hinggil sa kasalukuyang nagaganap sa loob ng Bureau of Corrections (BuCor).


Tampulan ngayon ng kuwentuhan kahit saan tayo magtungo ang pagkamatay umano sa COVID-19 ng ilang high profile inmates na puro sangkot sa ilegal na droga at ang ilan ay ipinatawag pa Senado kamakailan.


Nag-leak ang impormasyon hinggil sa pagkamatay ng mga high profile inmates dahil umano sa isang punerarya na siyang nagbigay ng serbisyo sa bangkay ng isang Jaybee Sebastian na nasawi sa COVID-19.


Isang taga-media ang nakakuha ng impormasyon kaya mabilis itong kumalat na noong una ay sumentro lamang kay Sebastian dahil ito ang pinakapopular sa lahat ng nasawi dahil sa ilang ulit itong ipinatawag sa pagdinig sa Senado hinggil sa transaksiyon ng ilegal na droga sa Bilibid.


Dahil sa tila baul na nabuksan ang pagkakatuklas sa inakalang lihim ng BuCor ay naungkat ito nang naungkat at doon natuklasang nasa siyam palang high profile inmates ang nasawi sa COVID-19.


At ang unang bugso ng balita ay nagulat umano ang mga kaanak ng nasawi dahil sa abo na agad ang kanilang natanggap kasabay ng balitang nasawi umano ang mga ito dahil sa COVID-19.


Sa unang dalawang araw ay hindi agad nakapagpaliwanag nang maayos ang pamunuan ng BuCor na dahilan para mabahiran ng malisya ang patuloy na pagkalat ng balita.


Nakadagdag pa sa pagdududa ng marami nang maglabasan din sa balita na ipatatawag ng Senado ang pamunuan ng BuCor dahil sa sunud-sunod na pagkamatay ng mga high profile inmates dahil sa COVID-19.


May ilang anchor sa ilang programa sa radyo at telebisyon na habang ibinabalita ito ay hinahaluan ng komentong pagdududa, biruan at tawanan na lalong nakadagdag sa duda ng ilan sa ating mga kababayan.


Sa pagdaan ng mga araw ay nag-iiba na ang direksiyon ng mga tsismis dahil sa kesyo may ilang druglord daw na idineklarang patay ng BuCor pero pinakawalan at ngayon ay malayang gumagala gamit ang niretokeng mukha para hindi na makilala.


Dahil umano sa abo na umano ang lahat ng mga inmates na ito ay wala na umanong paraan para matukoy pa kung totong abo nga nila ang ipinapakita ng mga kaanak at hindi na puwedeng isailalim sa DNA test.


Sadyang ang gagaling ng isip ng mga Pinoy, lalo pa sa panahong ito na wala masyadong mapagkaabalahan.


Dapat tandaan na kahit kabubukas pa lang ng mga barberya ay tila mga kuwentong barbero pa lamang ang lahat ng ito. Kaya magsasagawa tayo ng imbestigasyon ng Senado.


Wala tayong kinakampihan at ang pinakamahalaga ay maging obhektibo. Wala munang tsismis-tsismis. Kailangan malinawan ang pagkamatay ng mahigit sa 20 inmates na sinasabing dahil sa COVID-19 at hindi yung siyam lamang.


Habang tumitining kasi ang sitwasyon ay unti-unti nang lumalabas ang buong katotohanan na umabot pala sa 258 ang kaso ng nagpositibo sa COVID-19 sa BuCor at nasa 230 na ang nakarekober pero nakatuon lang tayo sa mga high profile inmates.


Huwag nating haluan ng pulitika ang pangyayaring ito, kapag nagkasala ang pamunuan ng BuCor dapat silang managot. Pero kapag napatunayang wala silang kasalanan, paniniwalaan pa ba ng taumbayan? Sino ang mananagot?


Anak ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o

mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2020 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.