Search
  • BULGAR

Pagkakaroon ng COVID-19, hindi krimen; mga nagpositibo, ‘wag ituring na kriminal!

Updated: Jun 23

ni Ryan Sison - @Boses | June 22, 2020



Ipinahiya at kinordonan ang bahay, ito ang sinapit ng isang pamilya mula sa mga tauhan ng barangay sa Sta. Mesa sa Maynila.

Nagpositibo sa rapid test ang ilang miyembro ng naturang pamilya at pinalibutan ng tali ang kanilang bahay, gayundin ay naglagay ng silya ang mga tauhan ng barangay doon.

Paliwanag ng pamilya, bagama’t naiintindihan nila ang pag-iingat ng barangay, hindi tama na ipahiya sila.

Samantala, habang inilipat sa isang daycare center ang ibang nakatira sa compound na nag-negatibo sa rapid test, ipinahiya rin umano ng mga taga-barangay ang mga ito.

Hindi sila pinakain o binigyan ng kahit anong tulong kahit ilang araw na ang lumipas.

Matatandaang, ipinagbabawal sa lungsod ang kahit anong uri ng diskriminasyon laban sa residenteng positibo o inoobserbahan sa COVID-19.

Hindi naman krimen ang pagkakaroon ng COVID-19, pero bakit may nangyayaring ganito? Ginusto ba ng pamilya na magkaroon sila ng sakit?

Kayo dapat ang magpasimuno sa pag-aalaga at pag-alalay sa mga residenteng nagkasakit, pero ganito ang ginagawa n’yo. Imbes na protektahan, itinutring n’yo pang preso.

Kung totoong naglilingkod kayo sa bayan, ‘wag kayong ganyan. Nakakadismaya dahil sa kabila ng mga paalala at babala ay nangyayari pa rin ito.

Mayroon namang batas, pero hindi sinusunod at ang masaklap, mga tauhan pa ng barangay ang pasimuno sa paglabag. Tsk!

Sa gitna ng pandemya, maging mabuting ehemplo tayo sa isa’t isa.

‘Wag ituring na kaaway ang mga dinapuan ng sakit dahil virus ang kalaban natin dito at hindi tao.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2020 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.