Pag-import ng asukal, utos ni P-BBM

ni Mylene Alfonso | February 23, 2023

Iginiit ng Department of Agriculture (DA) na ang hakbang na mag-import ng nasa 450,000 metriko tonelada ng asukal ay bilang tugon na rin sa inflation at bumuo ng buffer stock upang matugunan ang kinakailangan ng bansa.
Sa press briefing sa Malacañang, inihayag ni DA Senior Undersecretary Domingo Panganiban na kumilos sila base sa direktiba ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. na agad na tugunan ang inflation dahil sa mga isyu sa suplay ng asukal kabilang ang hoarding at iba pa.
“In response to the directive of the President to address inflation and create a buffer stock and given that sugar as one of the components of most commodities that drives the consistently high inflation rate, I acted with haste and interpreted the memorandum issued by the Office of the Executive Secretary as an approval to proceed with the importation,” wika ni Panganiban sa mga miyembro ng Malacañang Press Corps.
“With the urgency of the situation, I instructed three capable and accredited companies to proceed with the importation of sugar, provided that they agree to reduce the prices of sugar, sell the commodity in a price that is commercially acceptable in the market, and that they will shoulder the cost of warehousing,” sabi pa ng opisyal ng DA.
Sa isang memorandum mula sa opisina ng Executive Secretary na may petsang Enero 13, 2023, inatasan ang DA na ipatupad ang mga rekomendasyon nito kay Pangulong Marcos na siya ring Agriculture Secretary sa 2nd Sugar Import Program para sa taong 2022-2023.
Ang memorandum, na nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin hinggil sa tinatayang 100,000 metriko tonelada ng asukal ay awtomatikong mauuri bilang ‘B’ o Domestic Sugar habang ang kabuuang 350 metriko tonelada ay maaaring magamit sa domestic market.
Dagdag ni Panganiban na pumili siya sa listahang ibinigay sa kanya ng tatlong sugar importer, na itinuturing niyang “the most capable importers that we have”.
Binanggit din ng opisyal ng DA na batid ni Pangulong Marcos nang dumating sa bansa ang in-import na asukal noong Pebrero 9.
“Yes, he (Marcos) was aware. When the sugar arrived on Feb. 9, he was properly informed that the sugar had arrived,” dagdag ni Panganiban. Una nang naiulat na hindi pa pirmado ni Marcos ang Sugar Order No. 6 na nagpapahintulot na mag-import ang Pilipinas ng 440,000 metriko tonelada ng asukal para punan ang pangangailangan dito ng ating bansa.
Ayon kay Sugar Regulatory Administration (SRA) Board member Pablo Luis Azcona, si Pangulong Marcos bilang Secretary of Agriculture at Sugar Regulatory Administration Board chairman ay kailangan munang mag-comment sa naturang kautusan bago itakda ang sugar importation.
Aniya, naipadala na nila ang naturang kautusan sa Malacañang para sa reaksiyon dito ng Pangulo.
Kung maibalik man aniya ito sa SRA nang walang comment si Pangulong Marcos ay nangangahulugan ito na aprub na ang naturang kautusan.
Ang Sugar Order aniya ay magiging balido kapag nalagdaan ng tatlong miyembro ng board at ng ex-officio chairman sa DA.
Noong nakaraang taon ay itinanggi ng Malacañang ang SO No. 4 para sa importasyon ng 300,000 metric tons ng puting asukal dahil walang pirma ng Pangulo.
Nilinaw ni Azcona na ang SO No. 6 na nilagdaan na nina Agriculture Senior Undersecretary Domingo Panganiban, acting SRA Administrator David John Thaddeus Alba, at Millers Representative Mitzi Mangwang ay dumaan sa tamang proseso.





Comments