Search
  • BULGAR

Pacman vs. Crawford 'di iaatras ng Top Rank

ni Gerard Arce - @Sports | August 1, 2020




Pursigido si World Boxing Organization (WBO) welterweight champion Terrence “Bud” Crawford, maging ang kampo ng Top Rank Promotions na matupad ang inaasam na unification title fight laban kay eight-division World champion Manny “Pacman” Pacquiao (62-7-2, 39KOs) sa labas ng Estados Unidos sa Nobyembre.


Inihayag ni Top Rank CEO Bob Arum na puntirya nilang mangyari ang tapatan ng unbeaten American champion at ng World Boxing Association (WBA) 147-lbs titlist kung saka-sakali para sa nakatakdang laban ng una sa Nobyembre 14 o 21, na nais nilang ganapin sa ibang bansa, dahil sa walang kasiguruhan kung papayagang manood ang mga tagahanga’t tagasunod ng dalawang boksingero bunsod ng patuloy na pananalasa ng coronavirus disease (Covid-19) pandemic.


Inamin ng 88-anyos na boxing promoter na mayroon na itong mga nakausap na mga interesadong investors mula sa ibang mga bansa na kayang magbayad ng malaking halaga para sa lugar ng paggaganapan para lamang matuloy ang welterweight super-fight, ngunit kumambyo ito na malayo pa sa katotohanan ang naturang usapan.


Matagal ng matindi ang pagnanais ng 32-anyos na Omaha, Nebraska-native na makalaban si Pacquiao sa nagdaang mga taon, ngunit hindi ito nangyari nung nagsasama pa ang dalawa sa Top Rank Promotions. Naging interesado na rin ang fighting Senator sa pakikipagtunggali sa 3-division champion, na makailang ulit ng nagparamdam ng kagustuhan.


The Pacquiao fight, obviously we’d like to do it,” pahayag ni Arum sa panayam rito ng BoxingScene.com. “Whether we can do it, how we can do it, that’s what we’re figuring out now. Obviously, if it can happen it’ll happen, and if it can’t happen, it won’t happen. But nothing is concrete on that. We hope we can do it. We’re trying, but this is not a usual situation.”


Sa naging pahayag ni MP Promotions president at international matchmaker Sean Gibbons sa nagdaang PSA Forum noong Hulyo 21, sinabi nitong mayroong posibilidad na muling lumaban ang Pambansang Kamao ngayong taon, kasunod ng mga alok na nanggagaling mula sa bansang Saudia Arabia at Bahrain; ngunit magdedepende pa rin sa magiging takbo ng mga pangyayari kung sakaling bababa ang kaso ng Covid-19.


Sakali naman umanong hindi matuloy ang bakbakang Pacquiao-Crawford; isasalang na lamang ni Arum sa undefeated boxer si dating IBF 146-lbs titlist Kell Brook (39-2, 27 KOs) ng England; subalit masigasig ang nabansagang “The Bud” na makadaupang-kamao si Pacquiao.

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2020 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.